PARANG ibig ko nang maniwala na talagang manhid (bukod sa palpak) ang administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino tulad ng akusasyon ni Vice President Jojo Binay. Akalain ninyong minaliit lang o binalewala ang extortion racket na TALABA (Tanim-Laglag-Bala) ng mga walanghiyang tauhan ng Office of the Transportation Security, AvseGroup, screeners, at iba pa sa Ninoy Aquino International Airport na ipinangalan kay Sen. Ninoy Aquino. Kung ‘di ba naman manhid at palpak ang binatang Pangulo, ang sinisisi niya ay ang mga media na pinalalaki lang daw ang mga kuwento tungkol sa nabanggit na modus.
Binira ng mga senador si PNoy sa pagtatangka niyang i-downplay ang pag-iral ng sindikato na bumibiktima sa mga pasahero na paalis o pauwi ng bansa, lalung-lalo na ang mga OFW, na nagpapakahirap sa abroad dahil walang makuhang trabaho dito.
Sinabi ni Sen. Bongbong Marcos na ang insensitive remark ni PNoy ay lubhang nakalulungkot dahil parang ang sinisisi pa niya ay ang mga pasahero gayong maliwanag na ang bala ay itinanim ng extortion racket sa NAIA. At bakit niya sisisihin ang media eh, inirereport lang nito ang nangyayari sa paliparan? Hindi ba’t ang isang international news cable agency (CNN) ay may slogan na “We report, you decide.”? Mr. President, malapit ka nang bumaba sa puwesto, iwasan mo na ang ugaling mapanisi upang mawala ang bansag sa’yo na BOY SISI.
Ayon kay PNoy, kakaunti lang ang nahuhulihan ng bala sa bagahe at ito ay pinalalaki lang ng media. Sa kakaunti o hindi, ito ay ‘di dapat mangyari sa premium airport ng Pilipinas na ipinangalan pa sa iyong ama. Sabi nga ni Sen. Bongbong: “It is unfortunate that instead of trying to get into the bottom of the allegations, the President chose to dismiss these outright with statistics and even defended the airport authorities.” Sinabi naman ng isa kong kaibigan: “Aba, hindi lang pala manhid at palpak, kunsintidor pa.”
Nagdududa ang solterong Presidente nang siya’y makapanayam ng mga reporter sa Kuala Lumpur hinggil sa organisadong tanim-bala (mas angkop ito kesa laglag-bala) sa NAIA na “itinatanim” o inilalagay sa loob ng bagahe ng pasahero.
Ayon sa kanya, sa 34 na milyong biyahero kada taon, tatlong pasahero lang ang nagreklamo. May 1,200 kaso lang daw ang illegal possession ng bala ang naiulat sa panahong iyon. Hindi ba alam ni PNoy na kaya ganito kaliit ang nagrereklamo ay napipilitan silang “maglagay” sa mga NAIA personnel upang hindi maabala sa paglipad?
Kapag laging ganito ang patakaran at mentalidad ng PNoy administration, huwag kayong magtaka kung bakit hindi iboboto ng taumbayan sina Mar Roxas at Leni Robredo, (bata ng Pangulo) na itutuloy umano ang kanyang “Tuwid na Daan” na sa paningin ng marami ay isang “Baluktot na Daan.” (BERT DE GUZMAN)