Hindi pa rin tinatantanan ni Pangulong Aquino si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay ng pagtanggi ng huli na humingi ng paumanhin sa libu-libong biktima ng martial law.

Upang ipamukha sa senador ang malagim na yugto ng diktadurya ng yumaong ama ng senador na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, inirekomenda rito ni PNoy ang bagong libro na “The Aquino Legacy: An Enduring Narrative”, sa kanyang kalaban sa pulitika.

Inakda nina Elfren Sicangco Cruz at Neni Sta. Romana Cruz, tampok sa aklat ang koleksiyon ng mga makasaysayang tagpo at komentaryo hinggil sa pakikibaka ng mamamayan sa rehimeng diktadurya at sa pagbabalik ng demokrasya sa bansa.

“There is a particular candidate for next year’s elections, who says repeatedly that he is ready and willing to say sorry, if only he knew what there is to apologize for,” pahayag ni Aquino sa book launching sa Raffles Hotel sa Makati City noong Huwebes ng gabi.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Upon hearing this, I really had to ask myself: When you cannot admit a mistake, are you not guaranteeing the repetition of that mistake? Perhaps this book can help to enlighten him and add to his knowledge of our past,” dagdag ni Aquino.

Ilang ulit nang iginiit ni Pangulong Aquino na dapat humingi ng tawad ang pamilya Marcos sa mga biktima ng batas militar na ipinatupad sa dalawang dekadang pamumuno ng yumaong Pangulo.

Subalit sinabi ni Bongbong na wala namang dapat ihingi ng tawad hinggil sa naturang isyu.

Umaasa si PNoy na mapupunan ng bagong aklat ang “vacuum of knowledge” hinggil sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas, tulad ng panahon ng batas militar. (Genalyn D. Kabiling)