DAVAO CITY – Isang araw matapos ideklara ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao na mananatili siya sa line up ni Vice President Jejomar Binay, hindi pa rin binitawan ni Mayor Rodrigo Duterte ang world boxing icon at isinama pa rin ito sa unang walong kandidato sa pagkasenador sa ilalim ng kanyang ticket.

Sa panayam, sinabi ni Duterte na isusulong niya ang kandidatura sa pagkasenador ni Pacquiao, ng mga dating senador na sina Panfilo Lacson at Juan Miguel Zubiri; nina Leyte Rep. Martin Romualdez (Lakas-CMD), Pasig City Rep. Roman Romulo (LP), at ACT-CIS Party-list Rep. Samuel Pagdilao; ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino; at ng labor rights advocate na si Susan “Toots”Ople, anak ng yumaong si Sen. Blas Ople.

Sa kasalukuyan, sina Lacson at Ople ang may pinakamalaking bilang na partidong “umampon” sa kanilang kandidatura.

Bagamat inilaglag sa senatorial slate ng presidential candidate na si Sen. Grace Poe, inampon naman si Lacson ng Liberal Party at ng UNA, bukod pa sa tambalan nina Duterte at Cayetano.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Habang si Ople ay kabilang din sa senatorial ticket nina Poe-Escudero at Duterte-Cayetano.

“Si Manny (Pacquiao) ay kaibigan ko. Ikakampanya ko siya,” pahayag ni Duterte.

Tatakbo si Duterte sa pagkapangulo sa 2016 sa ilalim ng PDP-Laban, na dating pinagsilbihan ni Pacquiao bilang national vice president ng partido.

“May isang salita tayo. Ang sinusuportahan natin ay ang mahal na bise presidente at UNA candidate at hindi na magbabago iyon,” pahayag naman ni Pacquiao kamakailan hinggil sa kanyang pananatili sa partido ni VP Binay.

(BEN ROSARIO)