Iginiit kahapon ni Vice President Jejomar Binay, standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA), na bigo ang administrasyong Aquino na tugunan ang pamamayagpag ng mga kriminal sa halos lahat ng sulok ng bansa.
Sa pulong balitaan sa General Santos City, pinabulaanan ng lider ng oposisyon ang ibinabandera ni Pangulong Aquino na malaki na ang improvement sa katahimikan at kaayusan sa bansa sa limang taon nitong panunungkulan.
“Hindi ho totoo na sinasabi na ‘yung peace and order ay maganda na. Maraming crime [incidents] ang bumaba na, hindi ho kapani-paniwala ‘yun,” pahayag ni Binay.
“Problema pa ho hanggang ngayon, isa hong bagay na hindi ho nagampanang maigi nang ating pamahalaan,” dagdag ni Binay.
Bilang patunay, ginawang ehemplo ng pangalawang pangulo ang inilabas ng gobyerno ng South Korea na nagbababala sa mamamayan nito laban sa pagbisita sa Mindanao.
“Sa hindi pa nakakaalam, meron na naman hong announcement sa South Korean government, pinagbabawalan po ‘yung kanilang mga kababayan, at mag-ingat maigi lalo na ho sa pagpunta dito sa Mindanao,” giit ni Binay.
Upang masugpo ang kriminalidad, isinulong ni Binay ang pagrerepaso sa batas sa pagpapataw ng parusa sa mga kriminal at mahigpit na pagpapatupad nito.
Binatikos din ng opisyal ang mabagal na hustisya sa mga akusado na karaniwang nilalangaw ang mga kaso sa korte.
(Ellson A. Quismorio)