LONDON (AP) — Matagal nang gustong malaman ng mga mambabasa ng Harry Potter kung bakit pinili ng boy wizard na parangalan si Severus Snape — ang guro na naging masama sa kanya.
Sinagot ng author na si JK Rowling ang katanungan ng fans sa pamamagitan ng Twitter nitong Biyernes, bilang sagot na rin sa tanong ng tagahanga kung bakit ang isa sa mga anak ni Harry ay kapangalan ni Severus.
Ipinaliwanag ni Rowling na nagbigay ng pasasalamat si Harry kay Snape dahil sa “forgiveness and gratitude.” Kahit na inapi at inasar ni Snape si Harry, iniligtas din nito ang buhay niya.
“Harry hoped in his heart that he too would be forgiven. The deaths at the Battle of Hogwarts would haunt Harry forever.”
Ang pitong Harry Potter novel ni Rowling ay bumenta na ng 450 milyong kopya at nagawan na ng walong pelikula. Nais ng kanyang mga mambabasa na magkaroong ng clue tungkol sa mga karakter.
“Snape is all grey. You can’t make him a saint: he was vindictive & bullying. You can’t make him a devil: he died to save the wizarding world,” tweet ni Rowling.
Sa kanyang librong The Deathly Hallows, isiniwalat ni Rowling na si Snape ay sumusunod lang sa utos ni Dumbledore.
“Snape died for Harry out of love for Lily,” saad ni Rowling.