MATAGAL na nating tinatamasa ang pagiging isang bansa na naipaglaban sa kalayaan laban sa pananakop ng Espanya noong Hunyo 12, 1896. Simula sa Disyembre 31, 2015, dapat na rin nating ituring ang ating bansa bilang bahagi ng isang pinag-isang ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Community.
Pormal na inaprubahan nitong Linggo ni Pangulong Aquino at ng mga leader ng siyam na iba pang bansang ASEAN ang deklarasyon na nagtatatag sa ASEAN Community. Ang Community ay opisyal na itatatag sa pagtatapos ng taong ito, 48 taon makaraang itatag ang ASEAN noong 1967 ng limang bansa—Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, at Thailand.
Taong 1984 nang sumali sa limang nabanggit na bansa ang Brunei, ang Vietnam noong 1995, ang Laos at Myanmar noong 1997, at ang Cambodia noong 1999.
Tinanggap din ng mga pinuno ng mga miyembrong estado nitong Linggo ang ASEAN Community Vision 2025, isang blueprint para sa pinaigting na pagtutulungan ng mga bansang kasapi sa susunod na sampung taon sa mga lugar na saklaw ng tatlong haligi ng samahan—isang ASEAN Political-Security Community, isang ASEAN Economic Community, at isang ASEAN Socio-Cultural Community.
Sa larangan ng pulitika at seguridad, nagkasundo silang itaguyod ang isang komunidad na tumatalima sa pinag-isang pagpapahalaga ng ASEAN at pandaigdigang batas, at isasakatuparan ang isang komprehensibong pagtalakay sa seguridad, partikular sa kaayusan at kapayapaan sa karagatan. Sa aspetong socio-cultural, nagkasundo silang magsusulong ng mga oportunidad para sa lahat, poproteksiyunan ang mga karapatan ng kababaihan, kabataan, mga may kapansanan, mga migranteng manggagawa, at mga pinakanangangailangan ng tulong.
Sa larangan ng ekonomiya, isasakatuparan ng ASEAN ang mga hakbangin na lilikha ng isang karaniwang merkado na may malayang palitan ng mga produkto, serbisyo, industriya, manggagawa, at puhunan. Nananawagan din ito para sa pagtutulungang pang-ekonomiya sa pagitan ng 10 bansang ASEAN at ng anim na bansang katuwang ng mga ito, ang China, Japan, South Korea, Australia, India, at New Zealand, na may kani-kanyang kasunduang pangkalakalan sa mga bansang ASEAN.
Aabutin pa nang ilang taon bago may mapagtagumpayan ang ASEAN na gaya ng European Community, na may iisang currency.
Sapat nang malaman na nailatag na ang mga pangunahing hakbangin para sa pagkakaisa sa larangan ng turismo, aviation, human resource development, trade financing, communications connectivity, at electronic transactions.
Binubuo natin ngayon ang grupo ng 625 milyong katao na may pinagsama-samang Gross Domestic Product (GDP) na US$2.6 trillion, ang ikapitong pinakamalaking ekonomiya sa mundo. Kikilos na tayo ngayon bilang isa para sa isang kinabukasan na buo ang puwersa sa progreso, kapayapaan, at katatagan sa bahaging ito ng mundo at—sa pahayag na rin ni Pangulong Aquino—isang puwersa para bigyan ng kapangyarihan at pag-isahin ang mga indibiduwal na bansa.