Hindi lamang nakapagkuwalipika sa kanyang ikatlong sunod na Olimpiada si Hidilyn Diaz kundi tinanghal pa itong Best Female Athlete sa pagtatapos ng ginanap na 2016 Rio Olympics qualifying na 82nd Men’s and 25th Women’s World Weightlifting Championships sa George R. Brown Convention Center sa Houston, Texas.
Gayunman, hindi natanggap ni Diaz ng personal ang prestihiyosong karangalan matapos na agad umalis ang delegasyon ng Pilipinas pagkatapos lamang ng kani-kanilang mga event dahilan sa kakulangan sa gagastusin sa kanilang pamamalagi sa Houston.
“Umalis na kasi kami kaagad bago pa magtapos ang Asian Championships dahil wala na kaming panggastos at iyon lamang ang nakatakdang araw namin na mananatili sa Texas,” sabi ni Philippine Weightlifting Association (PWA) vice-president Elbert Atilano Sr. bagaman nagtamo ng isang masaklap na insidente sa torneo.
Ito ay matapos na mawalan ng kanyang personal na gamit na nakalagay sa kanyang bag si Atilano Sr., kung saan nakalagay din ang ilang kagamitan nina Diaz at Colonia.
“Naaawa ako kay Dondon (Colonia) na bumili ng bagong celfone para sa asawa niya tapos nawala kasama ng bag,” sabi ni Atilano. “Iniwan namin ang sandal ang bag doon sa warm-up area dahil kailangan naming tingnan ang pag-lift at bigyan ng pointers si Hidilyn.
Ang titulo ay isang kasaysayan din para kay Diaz at sa Pilipinas matapos na maging unang weightlifter na ginawaran ng internasyunal na asosasyon bilang Best Female Athlete kung saan katambal naman nito bilang Best Male Athlete si Myong Huok Kim ng DPR Korea na lumahok sa 69kg.
Matatandaang nagawang mag-uwi ni Diaz ang tatlong tansong medalya Lunes ng umaga upang maging ikalawang pambansang atleta na nakapagkuwalipika sa kada apat na taong 2016 Rio Olympics habang isa naman sa kasama nito na si Nestor Colonia sa clean and jerk upang pumang-apat sa kanyang klasipikasyon.
Ang karangalan ni Diaz ay “First ever Senior Asian Title” din para sa bansa, ayon naman kay dating PWA president at IWF Life Honorary President na si Monico Puentebella.
Una nang pinatunayan ng 24-anyos na si Diaz na hindi pa tapos ang kanyang panahon para sa inaasam na unang gintong medalya ng Pilipinas sa Olimpiada matapos maging pinakaunang Pilipinong atleta na nakatuntong sa tatlong sunod na edisyon ng kada apat na taong torneo.
Binuhat ni Diaz na lumahok sa women’s 53kg division ang 96kg sa snatch para tumapos na ikatlong puwesto bago bumuhat ng 117kg sa clean and jerk para sa kanyang ikalawang tanso. Ang kanyang kabuuang 213kg total lift na may katapat din na tansong medalya upang magkuwalipika sa 2016 Olympics sa Brazil. (Angie Oredo)