Itinala ni Nicole Eijansantos ang bagong rekord sa kasaysayan ng girls national triathlon matapos nitong iuwi ang ikatlong sunod na taon na gintong medalya habang nakabawi si Brent Valelo sa masaklap na karanasan sa boy’s division sa pagwawagi sa 2015 Batang Pinoy National Championships na ginanap sa Danao City.
Dinomina ng 14-anyos na Grade 9 sa School of the Holy Spirit sa Quezon City na si Eijansantos ang 400km swim, 12km bike at 3km run na ruta upang isukbit ang makinang na ginto sa itinalang 0:45.19.00 segundo kontra sa rekord na lumahok na 22 babaeng triathletes.
Pumangalawa naman si Everly Janarie Macalalad (0:46:23.00s) para sa pilak at ikatlo ang kakampi na si Una Janus Sibayan mula sa Muntinlupa na itinala ang 0:45:34.00s) para sa tanso. Ang medalya ay kapwa una sa torneo para sa dalawang batang atleta.
“She won her first medal in 2013 at the age of 12 and she won again last year which was both held in Bacolod. She might have her fourth next year because she is still qualified at the age of 15,” sabi ni Triathlon Association of the Philippines (TRAP) president at Philippine Olympic Committee (POC) Chairman Tom Carrasco.
Si Eijansantos ay kabilang naman sa miyembro ng triathlon development pool at mga batang atletang pinagtutuunan ng TRAP upang makapagkuwalipika sa gaganapin na internasyunal na torneo na Asian Youth Games (AYG) at ang kada apat na taon na Youth Olympic Games (YOG).
“We don’t have any secret but just that our system is scout the tournament and then project the winning time based doon sa standard ng international time ng winners. We also try to figure out the worst case scenarios like if we had a bike malfunction so we can adjust in the race,” sabi ng coach at kapatid nito na si Kevin Eijansantos.
Nagwagi naman sa boy’s division si Brent Valelo ng Caloocan City na nakabawi mula sa dapat sana nitong maiuwi na gintong medalya noong nakaraang taon bagaman nagkasya lamang sa pilak matapos na iprotesta at bawasan ng limang minuto ang kanyang oras na naghulog sa kanya sa dapat sanang pagiging kampeon.
“Masayang-masaya po ako dahil napatunayan ko sa sarili ko na tanghaling kampeon sa Batang Pinoy. Thankful po ako kay Lord dahil siya ang nagpanalo sa akin,” sabi ng 15-anyos at Grade 10 mula sa Caloocan National Science and Technology School na si Valelo na itinala ang pinakamabilis na 0:38:45.00 segundo na oras.
Pumangalawa si John Caleb Berlin ng Iloilo City sa itinala na 0:38.58.00 segundo para sa pilak at ikatlo ang 2-time Batang Pinoy champion na si Yuan Chiongbian ng Cebu na may itinalang 0:39:25.00 segundo.
“I nearly got crashed at the final turn,” sabi lamang ni Chiongbian. “I was running first but had to suddenly stop because the ambulance was fast approaching directly at me,” sabi pa nito.
Samantala, tatlong ginto pa ang iniuwi ni Miguel Barreto para sa Quezon City upang iangat ang kabuuan nitong napanalunan sa perpektong limang medalya habang dalawa pa ang idinagdag ni Raven Faith Alcoseba ng Cebu Province para sa kabuuang apat na gintong medalya.
Mayroong napanalunang kabuuang 17 gintong medalya na ang Quezon City mula pa lamang sa sports na swimming upang pangunahan ang liderato sa overall championships.