Drug testing sa mga driver at hindi clearance ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang dapat gawing requirement sa pagkuha ng driver’s license.
Ito ang iginiit ni Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) National President Efren De Luna, sinabing dapat ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) ang drug testing sa lahat ng driver sa bansa sa pagkuha ng lisensiya.
“Paano na ang mga nagbagong buhay? Hindi na ba sila maaaring magmaneho? Ang mas nakakatakot ay ang mga drug addict at hindi ang mga dating may kaso,” pahayag ng leader ng ACTO.
Ayon kay De Luna, maraming oras ang gugugulin at malaking halaga ng salapi ang gagastusin, lalo na ang mga driver na napakalayo ng tirahan sa NBI satellite office.
At kung mamalasin ay may kapangalan pa ang aplikante ng lisensiya na nahaharap sa kaso sa NBI o PNP.
Sa ilalim ng Administrative Order AVT 2015-029 na ipinatupad ng LTO nitong Nobyembre 9, ang mga driver na kukuha ng panibagong lisensiya, student permit at conductor’s permit ay kailangang magsumite ng NBI at police clearance.
Gayunman, ang nasabing kautusan ay sinuspinde ng Department of Transportation and Communications (DoTC) makaraang kuwestiyunin ng Senado sa hinalang magbubunsod ito ng panibagong red tape sa proseso at magiging pabigat sa mga aplikante. (Jun Fabon)