Itinalaga ni Pangulong Benigno S. Aquino III si Irene Isaac bilang bagong pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kapalit ni Joel Villanueva, na nagbitiw bilang TESDA chief para tumakbong senador sa halalan 2016.
Kasabay nito, inilabas din ng Malacañang noong Biyernes ang appointment papers nina Leonida Bayani-Ortiz, Danilo Lachica at Paloma Pama, bilang mga miyembro na kumakatawan sa Employer Sector ng TESDA; Mary Go Ng at Fernando Tanseco, bilang mga miyembro na kumakatawan sa Business and Investment Sector; at Bayani Diwa, bilang miyembro na kumakatawan sa Labor Sector. Magsislbi sila ng tatlong taon.
Pinangalanan din ni Pangulong Aquino si Evan Garcia bilang Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary to the United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland. Bago ang kanyang appointment, si Garcia ay Chief of Mission, Class 1 sa Department of Foreign Affairs.
Itinalaga rin ng Pangulo sina Flordeliza Maria Reyes-Rayel at Marco David Nepomuceno bilang mga miyembro na kumakatawan sa Employers Sector sa Rehiyon 3 ng Department of Labor and Employment, para sa limang taong termino.
(PNA)