Nasa ligtas nang kalagayan sa pagamutan ang 52-anyos na babaeng Australian na nabagsakan sa paa ng tipak ng semento mula sa dine-demolish na Mandarin Oriental Hotel sa Makati City, nitong Biyernes ng hapon.

Nagpapagaling na sa Makati Medical Center si Suzane Mellor, matapos magtamo ng bali at sugat sa kanang paa makaraang mabagsakan ng debris na kasinglaki ng niyog.

Dakong 12:52 ng hapon nang bumagsak ang debris mula sa ika-18 palapag ng ginigibang hotel sa Paseo de Roxas, at natiyempong naglalakad sa lugar ang dayuhan.

Ilang minuto lang ang nakalipas nang mabagsakan ng panibagong tipak ng semento ang isang sports utility vehicle (SUV) na dumadaan sa lugar at masuwerteng hindi nasaktan ang sakay nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kahapon ay personal na ininspeksiyon nina Makati City acting Mayor Romulo Peña, Jr. at City Public Safety Department Officer-in-Charge (OIC) Architect Elmer Cabrera ang nasabing hotel na pansamantalang itinigil ang operasyon sa paggiba sa gusali upang bigyang-daan ang imbestigasyon ng awtoridad lalo at posibleng may mga paglabag sa safety protocol.

Handa ang pamahalaang lungsod na kasuhan ang contractor sakaling may makita ang awtoridad na mga paglabag nito.

Dahil sa insidente, nananatiling sarado sa motorista ang Paseo de Roxas, mula sa Makati Avenue at Gil Puyat.

(Bella Gamotea)