SINASABING ang iniibig nating Pilipinas ay maaga at may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Pagsapit pa lamang ng “ber” months (Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre), ay maririnig na sa mga radyo ang mga awiting pamasko.

Kapag sapit ng Oktubre at Nobyembre, ang mga tindahan, business establishment, department store at shopping mall sa Metro Manila ay naglalagay na ng mga palamuting pamasko tulad ng mga Christmas lights na may iba’t ibang kulay.

Naliligo rin sa liwanag ng mga Christmas lights ang Ayala district sa Makati City. At habang nalalapit na ang Pasko, nagsusulputan na parang mga kabuti ang iba pang mga Christmas decoration.

Batay naman sa liturgical calendar ng Simbahan, ang paghahanda sa Pasko ay hudyat ng Adbiyento. Ito’y maaaring maganap sa huling Linggo ng Nobyembre tulad ngayong Nobyembre 29 bago sumapit ang kapistahan ni San Andres o kaya nama’y sa unang Linggo ng Disyembre, depende sa pagwawakas ng liturgical calendar year ng Simbahan. Ngayong 2015, nagtapos ang liturgical ng Simbahan nitong Nobyembre 22 na kapistahan ni Kristong Hari. Ang Adbiyento ay hango sa salitang Latin na ADVENTUS na ang kahulugan sa Ingles ay “coming”. Ang apat na Linggo ng Adbiyento ay simula ng paghahanda sa Pasko na makahulugan, masaya at makulay ng mga kristiyanong Katoliko pagsapit ng ika-25 ng Disyembre.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

May nagsasabi rin na ang Adbiyento, batay sa paniniwala ng iba ay may dalawang kahulugan: ang unang pagdating ay ang pagsilang kay Hesus na ating Mananakop, at ang ikalawang pagdating bilang Hukom.

Sa mga simbahan sa Kanluran, ang Adbiyento ay panahon ng paghihintay at paghahanda para sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus at ang pagdiriwang na ito ay tinatawag na Pasko. Ang Adbiyento rin ang simula ng liturgical year. Ang linggo ng Adbiyento ay tinatawag nilang LEVAVI. Ang kahulugan naman ng Adbiyento sa Eastern Churches ay “Nativity Feast”.

Sa panahon ng Adbiyento ay tradisyon na ang pagsisindi ng kandila na nasa Advent wreath sa loob ng mga simbahan sa ating bansa. Sa bawat parokya, may pinipiling mag-asawa upang sindihan ang Advent candle. Ang pagsisindi sa kandila ay ginagawa bago basahin ng pari ang Ebanghelyo sa misa. Matapos sindihan ang kandila, ang mag-asawa ay may binabasbasan ng maikling panalangin.

May paniniwala ang marami na ang Advent wreath na kinalalagyan ng apat na kandila ay sagisag ng eternal love o walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang kulay berde ay nangangahulugan naman ng pag-asa. Ang mga kandilang may sindi ay simbolo ng kagalakan at pagpaparangal sa Diyos. (CLEMEN BAUTISTA)