Idaraos bukas, Nobyembre 30, 2015, ang enggrandeng selebrasyon ng sama-samang pananalangin at pagpupuri sa 82 lalawigan sa bansa, bukod pa sa isang global outreach para sa mahigit tatlong milyong overseas Filipino worker (OFW), sa Luneta Grandstand sa Maynila.
Inilunsad sa Cebu City noong 2012, nang mahigit 15,000 Kristiyanong Cebuano ang nagsama-sama sa isang live-worship celebration, ang tagumpay ng “Jesus Reigns!” ay naulit noong 2013, at sa pagkakataong ito ay isinagawa sa Luzon (Maynila), Visayas (Cebu), at Mindanao (General Santos City).
Dumalo sa tri-regional celebration ang mahigit 40,000 katao.
Noong nakaraang taon, muling nagningning ang Pilipinas sa mundo ng Kristiyanismo nang isagawa ang event sa 81 probinsiya sa bansa.
Ang “Jesus Reigns!” ngayong taon ay sisimulan bukas, 1:00 ng hapon, sa makulay na parada at motorcade ng mga float mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, na magsasama-sama sa Quirino Grandstand.