CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Tatlong katao, kabilang ang isang dayuhan, ang kumpirmadong nasawi, habang 10 iba pa ang nasugatan sa karambola ng apat na sasakyan sa national highway ng Barangay Busay, Daraga, Albay, nitong Biyernes ng hapon, ayon sa pulisya.

Kinilala ni Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, ang mga nasawi na sina Tomas Tognolo, 42, Italian; Carolyn Lopez y Mortero, 43, kapwa taga-Andamar City Homes, Bgy. Bonot, Legazpi City; at Jovane Obiedo, truck helper, ng Bgy. Putiao, Pilar, Sorsogon.

Nasugatan naman sa aksidente sina Maricel Oyardo y Cetra, 35; Adelaida Pielago y Obal, 67; Nestor Roque Jr., y Oletin, 25; Cesar Nimo, Jr; Mary France y Nocedo y Saligumba, 19; Marcy Panarigan y Periña, 23; James Francisco y Orlina, 22, pawang pasahero ng pampasaherong jeep na nasangkot sa karambola; at ang driver nilang si Warren Magdasoc y Nolia, 35; Elias Miranda y Balaoro, 19, truck helper; at ang driver ng truck na si Samson Loterte y Habla, 52 anyos.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng maraming sugat at hanggang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagkakamalay si Loterte sa Bicol Regional and Teaching Hospital.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon sa paunang imbestigasyon, isang truck (WKC-634) na may kargang graba at buhangin at minamaneho ni Loterte ang bumangga sa likuran ng jeep na minamaneho ni Magdasoc. Gumewang pakaliwa ang jeep at sumalpok sa isang Mitsubishi Montero, na minamaneho ng dayuhan mula sa kabilang lane.

Sa pagkakataong ito, nabangga naman ang Montero ng humaharurot na Isuzu Wing Van truck, na minamaniobra ni Efren Bacosa, ng Bato, Leyte.

Sinabi ni Calubaquib na hindi na umabot nang buhay sa pagamutan sina Lopez at Obiedo. Si Lopez ay lulan sa Montero, habang si Obiedo ay helper ni Loterte.

Nawasak ang Montero, habang inararo naman ng truck na may kargang graba ang kantina ni Rodulfo Armenta y Lazarte, 51, na nasa gilid ng highway na pinangyarihan ng aksidente. (NIÑO N. LUCES)