MALAKING insulto sa Malacañang at sa malalaking negosyante ang atrasadong pagkilala sa ating mga imbentor. Isipin na lamang na si Filipino Engineer Aiza Mijeno, nakaimbento ng salt lamp, ay nauna pang pinapurihan ni United States President Barack Obama nang ito ay dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit, kamakailan. Katunayan, ang naturang imbentor ay inendorso pa ni Obama kay Jack Ma – ang bilyunaryong Alibaba Group founder – para sa produksiyon at marketing ng salt lamp; isa itong imbensiyon na ginagamitan ng tubig-alat na may kakayahang magbigay ng elektrisidad. Ang nasabing imbentor ay sinasabing huli na nang kilalanin ng Malacañang.
Ganoon din si William Moraca na nakaimbento naman ng portable windmill na nagbibigay naman ng potable water na maaaring pagkunan ng tubig ng mga katutubong B’laan at T’boli sa San Jose, General Santos City. Si Moraca – isang guro sa Datal Salvan Elementary School – ay tumanggap ng Princess Maha Chakri Award mula kay Thailand Princess Maha Chakri Sirindhorn. Kinilala na kaya ng Malacañang ang imbensiyon ni Moraca?
Maaaring ang nabanggit na mga imbensiyon ng mga Pilipino ay hindi kasing sikat tulad ng mga obra maestra nina Benjamin Franklin na nakaimbento ng elektrisidad; Graham Bell na nakaimbento naman ng telepono, at iba pang imbentor. Subalit, ang mga imbensiyon nina Mijeno at Moraca ay maituturing bilang mga higanteng hakbang sa pagkilala sa katalinuhan at kahusayan ng ng mga Pilipino.
Maaaring lingid sa kaalaman ng Malacañang at ng malalaking negosyante subalit isang katotohanan na maraming Filipino inventor ang kinilala na rin sa iba’t ibang panig ng daigdig. Hindi ba isa ring Pinoy ang nakaimbento ng flourescent lamp na mistulang nagpaliwanag sa mundo? Hindi ba isa ring kababayan natin ang gumawa ng isang kariton na ginamit ng mga astronaut sa kanilang paglapag sa isang planeta?
Ang ganitong mga imbensiyon – lalo na ang mga imbentor – ay kailangang mabigyan ng insentibo mula sa Malacañang at sa mismong mga negosyante. Ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensiya ay dapat makipagtulungan sa malalaking negosyante para sa produksiyon at marketing ng naturang mga imbensiyon. Malaki ang maiaambag nito sa kaunlaran ng ekonomiya at sa pagkilala sa talino ng mga Pilipino. (CELO LAGMAY)