Tuloy ang pagbisita ni Pangulong Aquino sa tatlong bansa sa Europe sa susunod na linggo sa gitna ng umiiral na banta ng terorismo sa rehiyon.
Magtutungo ang Pangulo sa Paris, France upang dumalo sa United Nations climate change conference kasabay ng kanyang pakikiramay sa mga Pranses na naging biktima ng terrorist attack nitong Nobyembre 13, 2015.
Ito ay susundan ng kanyang pagbisita sa Rome, Italy at Vatican.
Malalayo si Aquino sa Pilipinas mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 5.
“President Benigno S. Aquino III will undertake an official working visit to Paris, Rome, and Vatican. This visit will be the President’s first to Italy and the Holy See. The visit will enable the President to further expand Philippine bilateral ties and cooperation with the Holy See, with France, and Italy at the highest level. This will also give him an opportunity to once again meet our Filipino compatriots in these cities,” pahayag ni Assistant Secretary Maria Cleofe Natividad ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pulong balitaan sa Malacañang.
Tiniyak ni Natividad na kasado na ang seguridad para kay PNoy sa isang-linggo niyang biyahe sa Europe.
Matatandaan na umabot sa 130 katao ang namatay nang mamaril at magpasabog ng bomba sa anim na lugar sa Paris noong gabi ng Nobyembre 13.
“The President did not waver in spite of this horrific event. The President is even more determined to go to Paris to attend the COP21 as a show of solidarity and support for the French government; and all the other leaders as far as we know, who have been invited and have indicated their participation, none of them has backed out from their attendance,” ani Natividad.
Nakatakda ring bumisita si PNoy kay Pope Francis sa Vatican sa Disyembre 4, upang talakayin ang ilang kritikal na isyu kabilang ang isinasagawang rehabilitasyon sa mga lugar na nasalanta ng super typhoon “Yolanda” sa Eastern Visayas. (Genalyn D. Kabiling)