ANG bilis ng panahon! Muli na namang matatapos ang taon at para sa mga Katoliko, sa darating na Linggong ay ang unang ADBIYENTO, ang Bagong Taon sa kalendaryo ng Simabahan.
Ang salitang Adbiyento ay nagmula sa salitang Latin na “adventus” na ang ibig sabihin ay “coming”. Itong “coming” ay hindi nangangahulugan ng pagdating ng mga Christmas bonus at regalo, o ni Sta. Clause at mga Christmas party.
Tinutukoy nito ang pagdating ni Hesukristo sa Pasko pati na rin ang kanyang pagdating sa katapusan ng mundo.
Sa unang Linggo ng Adbiyento, tayo ay inaanyayahan na “wake up” (Rom 13,11) o “stay wake” (Mt 24, 43); “Hoy Gising,” sa Tagalog.
Hindi ibig sabihin na tayo ay literal na natutulog kundi ito ay nangangahulugan na buhayin ang ating PANANAMPALATAYA. Sa madaling sabi, ito ay renewal.
Napaninilayan ba natin kung saan tayong landas napupunta? Umuunlad ba ako bilang isang mabuting tao? Naiisip ko ba kung gaano kabilis ang oras?
May isang kuwento mula sa tunay na buhay tungkol sa isang TV personality na isiniwalat kung gaano siya kalakas uminom noong sikat pa siya, sa loob ng 20 taon, siya ay nalulong sa alak at humihithit ng droga.
Hanggang sa isang umaga paggsing niya at siya’y manalamin, nakita niya ang kanyang kulubot na mukha at bagsak na mga mata, at napagtanto na walang direksyon ang kanyang buhay, tinanong niya ang kanyang sarili, “Sid, gusto mo bang mabuhay, o gusto mong mamatay?”
Nagdesisyon siyang itigil ang bisyo at sinimulan muli ang bagong buhay at inayos ang kanyang relasyon sa kanyang asawa at mga anak.
“Hindi ko ‘yon naisip sa loob ng 20 taon,” pag-amin ni Sid, “na hindi ko na napapansin ang aking asawa, at hindi ko na rin nakakausap ng maayos ang aking mga anak. Ngayon mas dikit at matibay na ang relasyon ng pamilya namin.
“Alam ko hindi ko na mababawi ang mga nasayang na panahon at oras sa nakalipas na 20 taon, ngunit sinusubukan ko ang lahat ng aking makakaya para punan ang mga nawala at nagawa ko.”
Hoy, gising! Gising! Pagnilayan natin kung saan tayo nagkamali at nagkulang at muling magsimula at magbago. Ito ang mensahe ngayong panahon ng Adbiyento. At ito rin ang pinakamagandang paraan para paghandaan ang Pasko.
(Fr. Bel San Luis, SVD)