CEBU CITY – Matinding trapiko ang sumalubong sa mga motoristang patungong South Road Properties (SRP) kahapon ng umaga matapos na libu-libong Cebuano ang dumagsa sa lugar para sa pagbubukas ng SM Seaside City mall, ang ikaapat na pinakamalaking mall sa Asia.

Sinabi ni Joy Tumulak, executive director ng Cebu City Transportation Office (CCTO), na ilang traffic enforcer ang itinalaga sa SRP upang pangasiwaan ang dagsa ng mga motorista, na unang beses na nangyari sa lugar bago pa naitayo ang 16-ektaryang SM Seaside City mall. Ilang oras na na-stranded ang mga pribadong sasakyan at taxicab na patungo sa mall, habang ang mga wala namang sasakyan ay sumakay sa mga bagong air-conditioned bus, ang MyBus, na para talaga sa mga papasok at lalabas sa SM Seaside City mall.

Hindi pinahihintulutan ang mga pampublikong sasakyan sa SRP.

Isang ginang na Cebuano ang nag-post sa Facebook na kinansela na niya ang pagbisita sana ng kanyang pamilya sa kabubukas na SM Seaside City mall matapos na kumalat online ang mga litrato ng trapiko sa lugar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi naman ni Robert Abella, na nagmamaneho ng kanyang sasakyan papasok ng mall, na gusto niyang agad na masilayan ang loob ng higanteng mall.

“Siguro ilang araw lang naman ang traffic na ito. Sigurado akong babalik din sa normal ang lahat sa mga susunod na linggo,” sabi ni Abella.

Samantala, sinabi ni Tumulak na nagpakalat na sila ng mas maraming traffic enforcer sa lugar kahapon hanggang sa Linggo, dahil sa inaasahang dagsa ng mga nais bumisita sa SM Seaside mall. May mga pulis na rin na naikalat sa lugar kahapon.

Ang SM Seaside City mall ang ika-56 na mall ng SM sa bansa at ikaapat sa pinakamalalaki sa bansa.

(Mars W. Mosqueda, Jr.)