ISANG bago—at napakadelikado—na kabanata sa karahasan sa Middle East ang nabuksan sa pagpapabagsak ng Turkey sa isang war plane ng Russia nitong Martes. Sinabi ng Turkey na paulit-ulit na nilabag ng eroplano ng Russia ang Turkish air space bago pa ito binaril at pinabagsak ng dalawa sa mga jet fighter ng Turkey. Iginiit ng Moscow na ang eroplano nito ay nasa himpapawid ng Syria, sa pagtulong ng Russia sa paglaban ng gobyernong Syrian sa puwersa ng mga rebelde. Nagbabala si Russian President Vladimir Putin sa Turkey na ang ginawa nito ay may matinding kahihinatnan.

Ang Turkey ay kasapi ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), kasama ang United States, United Kingdom, France, Germany, at 23 iba pang bansa sa magkabilang panig ng Atlantic. Itinatag ang NATO noong 1949 makaraang magwakas ang World War II, upang mapigilan ang banta ng pagpapalawak sa Soviet Russia.

Sa mga unang bahagi ng Cold War, ipinatupad ng NATO ang estratehikong doktrina na “massive retaliation”—kung aatake ang Soviet Union, gaganti ang NATO gamit ang mga nukleyar na armas. Gayunman, noong 1975 ay pinalitan ng diyalogo ang hindi pagkakasundo ng East at West. Ilang araw makaraang gibain ang Berlin Wall noong 1989, tinapos na ng Soviet Union ang pagiging bansa nito kaya naman naging malapit sa mga bansang kasapi ng NATO sa Western Europe ang mga dating bansang Komunista sa Eastern Europe. Ngayon, karamihan sa mga bansang ito—ang Poland, Bulgaria, Romania, Czech Republic, at Slovakia—ay pawang miyembro ng NATO.

Ang pagpapabagsak ng Turkey sa eroplano ng Russia ay muling nagbuhay sa alaala ng dating alitan sa pagitan ng Russia at NATO. Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng digmaan ng Syria sa pagitan ng gobyernong Syrian, na suportado ng Russia, at ng ilang rebelde na sinusuportahan naman ng Amerika at ng mga kaalyado nito. Inilapit na ngayon ng Russia ang guided missile carrier nito sa Mediterranean border ng Syria. At eeskortan na ng mga mandirigma ang mga Russian bomber. “All targets representing a potential threat to us will be destroyed,” babala ng tagapagsalita ng Russian military.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Umapela naman si US President Barack Obama ng kahinahunan at sinabing ang pangunahin niyang prioridad ay “to ensure that this does not escalate.” Ang paglala ng usapin—halimbawa ay pagpapabagsak din sa mga eroplano ng Turkey bilang ganti—ay magpapalawak sa kaguluhan sa Syria, na magreresulta sa mas malaking digmaan sa pagitan ng Russia at Turkey.

At posibleng mas lumala pa ito dahil tiyak nang sasaklolohan ng NATO ang miyembro nitong Turkey.

Ang kaguluhang ito ay makaaapekto sa kampanya upang lipulin ang Islamic State, ang kaaway ng lahat ng estado na sangkot na ngayon sa paglalaban sa Middle East. Ang masama pa, maaari nitong buksan ang panibagong digmaan na mauuwi sa matinding krisis, hindi lang sa Middle East, kundi maging sa iba pang panig ng mundo. Dapat tayong umasa, kasama ni President Obama, na hindi na lalala pa ang sigalot sa pagitan ng Russia at Turkey, na ang kani-kanyang puwersang militar ay kabilang sa pinakamalalaki sa mundo.