Naghain ng kasong pandarambong sa Office of the Ombudsman ang dalawang mamamahayag laban kay dating Antique Governor Execuiel Javier dahil sa umano’y paglulustay ng milyong pisong halaga ng congressional pork barrel.

Idinawit din ng dalawang broadcaster mula sa Antique, na sina Wilson Geronimo, ng Voice FM Radio; at Modesto Montano, isang freelance broadcaster, ang pitong dating opisyal ng lalawigan at pribadong kontratista.

Inakusahan ng dalawang mamamahayag ang mga respondent ng pakikipagkutsabahan upang manipulahin umano ang bidding sa mga proyektong imprastruktura, overpricing sa pagbili ng mga gamit para sa lokal na pamahalaan, at paglabag sa procurement law na nadiskubre ng Commission on Audit (CoA).

Base sa ulat ng CoA, sinabi nina Geronimo at Montano na bumili si Javier ng mga substandard na materyales para sa pamahalaang panlalawigan na hindi idinaan sa public bidding.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Anila, binayaran din ang mga proyektong imprastruktura sa kabila ng kawalan ng mga dokumento.

Iginiit din ng dalawang broadcaster na bumili ang lokal na pamahalaan ng relief goods para sa mga biktima ng super typhoon ‘Yolanda’ subalit hindi umano nakapagsumite ang grupo ni Javier tungkol sa pamamahagi sa mga ito.

(Jun Ramirez)