Pormal nang naghain ng kandidatura sa pagkapangulo sa 2016 si Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte, kahapon.

Ang certificate of candidacy (CoC) ni Duterte ay inihain sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) kahapon, sa Intramuros, Maynila, ng isang kinatawan ng alkalde.

Si Duterte ay tatakbo sa 2016 presidential polls, sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bilang substitute candidate kay Martin Diño, ng Volunteers against Crime and Corruption (VACC), na unang naghain ng CoC noong Oktubre 15.

Subalit kinalaunan ay binawi ni Diño ang kanyang CoC sa Comelec at inendorso si Duterte bilang kanyang kapalit.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Idineklara na rin ni Duterte si Senator Alan Peter Cayetano bilang kanyang vice presidential candidate.

Bago naghain ng CoC kahapon ay iniurong na rin ni Duterte ang kanyang inihaing CoC sa pagka-alkalde ng Davao, at iniendorso ang kanyang anak na si Sara upang maging kanyang substitute sa mayoralty race sa siyudad.

Naghain na rin si Sara ng kanyang document for substitution sa tanggapan ng Comelec sa Davao City.

Matatandaang unang nagpakatanggi-tanggi si Duterte na tumakbo sa pagkapresidente dahil hindi umano niya pangarap maging pangulo ng Pilipinas.

Gayunman, nagbago ang isip niya kasunod ng desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) na nagbabasura sa disqualification case ng isa pang presidential aspirant na si Senator Grace Poe. (MARY ANN SANTIAGO)