Sisimulan nang ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “buddy” system sa mga tauhan nito at ng Philippine National Police (PNP) na nagpapatupad ng clearing operations sa itinalagang alternatibong ruta upang maiwasan ang pananakot o pananakit ng mga pasaway na motorista.

Sinabi ni Ed Lara, hepe ng Task Force Mabuhay Lane, na magsasanib-puwersa ang mga tauhan ng PNP at MMDA para mabantayan ang isa’t isa habang nililinis ang mga lansangan sa mga traffic obstruction.

Ito ay matapos mabaril ay mapatay ang isang tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City ng isang security guard habang ipinatutupad ng biktima ang clearing operation malapit sa isang bangko.

Kinilala ang suspek na si Alex Batacan, 39 anyos.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nitong Miyerkules, hinatak ng MMDA clearing team ang ilang sasakyan sa ruta ng West Avenue hanggang Dapitan at E. Rodriguez Avenue, habang armado ng kopya ng memorandum agreement na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa paglilinis ng kalye sa mga road obstruction.

Bukod sa mga sasakyan na ilegal na nakaparada, pinangunahan din ng MMDA at PNP at pagtatanggal ng mga signage at ad billboard sa tinaguriang “Mabuhay Lane.”

Itinalaga ang Mabuhay Lane bilang alternatibong ruta ng mga motorista na nais umiwas sa matinding trapiko sa 23.8-kilometrong EDSA, lalo at papalapit na ang Pasko. (Anna Liza Villas-Alavaren)