NORZAGARAY, Bulacan – Isang 18-anyos na estudyante ng psychology na nagdiwang ng kanyang kaarawan sa pamamagitan ng isang swimming party ang nasawi kasama ang tatlo pa niyang kaibigan matapos silang tangayin ng malakas na agos ng ilog sa bayang ito noong Martes, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon sa pulisya, natagpuan ng rescue teams si Lovely Lacaba, ang nagdiriwang ng kaarawan, kasama ang 15-anyos niyang kaibigan na si Nelson Gobin, ilang oras matapos lumangoy sa Norzagaray River nitong Martes.

Namatay din sa pagkalunod sina Christian Palen at Butch Nario, kapwa 16-anyos, na kapwa natagpuan nitong Miyerkules sa mga ilog ng Kanyakan at Bakas, 200 metro mula sa lugar na tinangay ang mga ito ng agos.

Ang mga biktima ay pawang residente ng Barangay Citrus sa San Jose del Monte City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Palakaibigan, masigla at masayahing tao si Lovely. Sayang at nawalan siya ng buhay sa araw mismo ng kanyang kaarawan. Ang kuwento sa akin ng mga kapatid ng nakaligtas na tatlo, habang naglalakad umano sila ay biglang nadulas si Lovely sa isang malalim na lugar at agad sinaklolohan nina Nelson, Christian at Butch. Ngunit sa hindi malamang dahilan tinangay sila ng rumaragasang tubig pailalim at ‘di na lumutang,” kuwento ni Danica Uno, 20-anyos, estudyante ng psychology sa Collegio de San Gabriel, sa San Jose Del Monte City. Si Uno ay kaklase ni Lacaba.

“Sinabi ng isa sa mga rescuer na natangay ng malakas na agos, mula sa tubig na pinakawalan ng Angat Dam, ang apat naming kasama. Pero, hindi yata kapani-paniwala na mula sa Angat Dam ang tubig, dahil wala pang gaanong laman ang Angat Dam, kaya nga maraming magsasaka at tao ang nagtitipid sa paggamit ng tubig,” dagdag pa ni Uno.

(FREDDIE VELEZ)