Matapos hatulan ng korte ng habambuhay na pagkabilanggo, inilipat na ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Ang tatlo ay kinabibilangan nina Bensar Indama, Ermiahe Achmad, at Patik Samson.

At dahil ikinokonsidera ng awtoridad ang tatlo bilang high-risk security prisoner, idiniretso na ang mga ito sa maximum security facility ng NBP sa halip na idaan pa sa Reception and Diagnostic Center (RDC), na roon ipinoproseso ang mga bagong pasok sa bilangguan.

Sinabi ni Chief Insp. Julius Arro, ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Zamboanga City, na ibiniyahe sina Indama at Achmad patungong nitong Miyerkules ng umaga, habang si Samson ay dumating sa pasilidad pagsapit ng hapon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kasamang sinentensiyahan sa kasong kidnapping with serious illegal detention ng Zamboanga City Regional Trial Court (RTC) Branch 12 noong Nobyembre 16 sina Khair Mundos, Ellel Bugarak, at Ashra Jawari.

Ito ay may kaugnayan sa pagdukot sa Pinoy nurse na si Preciosa Feliciano sa Zamboanga City noong Hulyo 12, 2008.

Kasama naman ni Samson na hinatulan ng reclusion perpetua ng Zamboanga Regional Trial Court Branch 15 nitong nakaraang linggo sina Meijing Jama at Jamil Ajijul, na nasa likod ng pagdukot sa Amerikanong si Gerfa Lunsmann, anak nitong si Kevin at pinsan na si Romnick Jakaria, sa Zamboanga City noong Hulyo 2011. (Jonathan Hicap)