Sa bibig na mismo ni Mar Roxas nanggaling na palpak ang gobyernong Aquino sa kampanya nitong “Daang Matuwid,” ayon sa United Nationalist Alliance (UNA).

Ayon kay Mon Ilagan, tagapagsalita ng UNA, binigkas ng Liberal Party (LP) standard bearer sa presidential forum ng Filipino Ivy Leaguers noong Miyerkules na nagpapatuloy ang panggigipit ng ilang tiwaling ahensiya ng gobyerno sa mga mamumuhunan.

“Nangako ang ‘Daang Matuwid’ ng malinis at tapat na pamumuno subalit wala ring nangyari,” pahayag ni Ilagan, kaya binansagan niya ang kampanya ng gobyerno laban sa katiwalian na isang “malaking kasinungalingan.”

Nakibahagi sina Roxas at Sen. Grace Poe-Llamanzares, na tatakbo rin sa pagkapangulo sa 2016, sa naturang forum na inorganisa ng Pinoy alumni ng mga business school sa Amerika.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Sinabi ni Ilagan na unang ibinandera ni Roxas na “wala nang korupsiyon” sa gobyerno, subalit sinopla siya ng Ivy League alumni at iginiit na laganap pa rin ang katiwalian sa mga ahensiya ng gobyerno.

Dahil dito, bumigay si Roxas at inamin na may mga government agency na nanggigipit pa rin sa mga investor upang makapangotong.

“What’s holding us back is harassment, at Customs, at BIR, at the ports, at the airports, Immigration, policemen, barangay officials, local government units, that’s the complaint that I’ve received,” tinukoy ni Ilagan ang pahayag ng administration candidate sa forum.

Ayon pa kay Ilagan, mismong si Roxas—na nagtapos sa Wharton School of Economics sa University of Pennsylvania—ang nagsabi na ito ang dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga mamumuhunan na magbuhos ng proyekto sa Pilipinas.

(ELLSON QUISMORIO)