INIHAYAG ng mga “presidentiable” at kanilang kampo ang kanilang mga adbokasiya at sentimyento, lalo na sa pagpapababa ng buwis.
Napapanahon ngayon magagandang adbokasiya—bukod sa mga kakaibang istilo ng pangangampanya.
Nangako ang kampo ni Sen. Grace Poe at ni Liberal Party (LP) standard bearer na si Mar Roxas na isusulong hanggang sa maipatupad na pababain ang buwis upang mabawasan ang bigat sa gastusin ng mga manggagawang Pinoy.
Ang running mate ni Poe na si Sen. Chiz Escudero ay nanawagan na mas pababain ang buwis para na rin sa magiging benepisyo ng bansa.
Ang labor force, na binubuo ng 39 milyong katao, ay nangangailangan ng kaunting tulong, ayon kay Escudero.
Ipinaliwanag ni Escudero na ang pagpapababa ng buwis, na nasa 32% at pinakamataas sa Southeast Asia, ang pinakamagandang solusyon upang makahinga kahit papaano ang mga ordinaryong manggagawa mula sa ibinabawa sa kanilang kinikita.
Oras na para tulungan sila na maka-ugapay sa buhay, diin ni Escudero.
Dagdag ni Chiz, independent candidate bilang bise president, nais niyang suportahan ang proposal ni Sen. Sonny Angara kaugnay sa pag-a-adjust ng lebel ng buwis.
Okay, tingnan natin kung ano ang magagawa ng samahang Grace-Chiz’ Team Galing at Puso (TGP).
Samantala, ganito rin ang nais ng mga tagasuporta ni Roxas sa Kongreso, ang mapababa ang buwis.
Ayon kay YACAP party-list Rep. Carol Lopez, si Roxas ay nagkaroon na ng “so many talks” kay Presidente Aquino kaugnay sa nasabing isyu.
“He will deal with the situation head on. He has been having talks with the President on this,” aniya. (FRED M. LOBO)