HALOS ilang linggo lamang ang mga pagitan sa sunud-sunod na pagpaslang sa tatlong hukom. Pero ang bibigyan natin ng pansin sa kolum na ito ay ang pagpatay kay RTC Judge Wilfredo Nieves ng Malolos, Bulacan. Hindi pa halos nakalalayo ang judge mula sa korteng kanyang pinamamahalaan nang tambangan siya at paulanan ng bala ang minamaneho niyang sasakyan. Patay kaagad siya sa mismong lugar kung saan siya pinagbabaril. Sa tatlong hukom na pinaslang, kay Judge Nieves lang may mga nadakip na pinaghihinalaang pumatay sa kanya. Isa sa mga nadakip ay napatay naman ng mga pulis sa loob ng sasakyang nagdala sa kanya sa Inquest Fiscal. Nang-agaw daw ito ng baril sa pulis na kasama niya sa sasakyan kaya siya binaril.
Sa mga taga-Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), hindi sila naniniwala na naganap ito. Dahil ang mga tanong nila ay: Paano pa ito makatitestigo laban sa itinituro niyang nag-utos sa kanya para patayin ang hukom? Paano kung fall guy lang ito? Ayon sa PNP Police Director ng Malolos, may extra-judicial confession iyong napatay at itinuturo niya si Dominguez na nag-utos umano sa kanya para patayin ito. Pero, hindi tinatanggap na ebidensiya ang extra-judicial confession sa korte lalo na nga’t patay na ang gumawa nito. Ang pulisya na mismo ang tumanggap na totoo ito, siya pa ang nagsentensiya sa tao. Kamatayan ang ipinataw nitong parusa at hindi reclusion perpetua na siyang itinatakda ng batas.
Paano kung buhay ang taong ito at fall guy ayon na rin sa hinala ng VACC? Daraan siya sa legal na proseso? Ihahabla siya sa korte at diringgin ang kanyang panig na siyang hinihingi ng due process. Sa palagay kaya ninyo maliwanag ang pagdinig ng makikinig sa kanyang paliwanag na wala siyang kinalaman sa krimeng ibinibintang sa kanya at siya ay fall guy lamang? Hukom ang lilitis at hahatol sa kanya. Ang malaking problema niya ay hukom din ang sinasabing pinatay niya. Ganito rin ang sasapitin ng sinuman kahit hindi siya fall guy.
Mariing kinondena ng Korte Suprema ang pagpaslang sa mga hukom. Bakit nga ba hindi eh, may napakahalagang papel ang kinabibilangan nilang hudikatura na naggagawad ng katarungan? Ito ang hantungan ng lahat ng mga problemang nangangailangan ng kalutasan sa batas. Anupa’t ang pagsasawata sa paghahati-hati ng mamamayan dahil sa kinikimkim nilang galit sa isa’t isa sa paggawad nila ng katarungan. Pero, obligasyon din naman ng mga nasa hudikatura na tinutupad nila ang sinumpaan nilang tungkulin. Panahon na rin naman para sila ay manalamin. (RIC VALMONTE)