Tahimik ang pamunuan ng Letran at sampu ng kanilang mga manlalaro at iba pang mga team official hinggil sa napapabalitang paglipat ng kanilang headcoach sa men’s basketball na si Aldin Ayo sa UAAP bilang bagong headcoach ng De La Salle.

Hanggang kahapon habang isinusulat ang balitang ito ay walang makuhang reaksiyon ang mga miyembro ng NCAA at UAAP Press Corps sa mga manlalaro ng Knights maging sa kanilang mga opisyales para kumpirmahin ang nasabing balita.

Kahit mismong si Ayo na nauna nang napabalitang tinanggap na ang alok sa kanya ni La Salle patron Danding Cojuangco para maging bagong coach ng Green Archers kapalit ng nagbitiw na si Juno Sauler, ay hindi mahagilap para sa mahingan ng komento.

Nauna nang naglabasan ang balitang nakausap na umano ni Cojuangco, si Ayo at nagkasundo na ang dalawa na ang headcoach ng Knights na umukit ng kasaysayan sa nakaraang NCAA Season 91 men’s basketball tournament matapos gabayan ang koponan sa pagtapos sa limang taong paghahari ng San Beda College Red Lions sa liga.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hanggang ngayon, marami pa rin ang umaasa sa panig ng Letran na mananatili si Ayo bilang headcoach ng kanyang alma mater.

Ngunit ang plano nitong muling pagtakbo bilang konsehal sa kanyang lalawigan sa Sorsogon ay posible umanong makaapekto sa kanyang desisyon kung saan malaki ang maitutulong sa kanya ni Cojuangco sa gagawin niyang pagkampanya.

Subalit kung marami ang umaasa na mananatili sa Letran si Ayo, marami naman ang hindi makapaniwala sa pangyayari dahil karaniwan ng kinukuha ng La Salle para maging headcoach ng kanilang men’s basketball team ay galing sa hanay ng kanilang mga alumni.

Gyunman, meron namang tanggap ang mga magiging kaganapan kung sakali.

“Confirm ba? If yes, I can’t blame Coach Aldin. Let’s just be thankful sa naging accomplishment niya in just 1 season sa Letran. A team nobody gave a chance. He would be exiting with a bang. We can’t blame him for moving on this early sa new challenge sa coaching career nya. Congrats Coach Aldin (if true). As for us, on to the next coach.

Support lang tayo palagi. Arriba!,” pahayag ni dating Letran Knight Big Mac Andaya sa isa sa kanyang mga comment sa Facebook hinggil sa isyu. (Marivic Awitan)