TUMANGGAP ng mga batikos sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo nang lumabas ang balita na sinusuportahan nila si Mar Roxas, ang pambato ng Liberal Party, dahil tiyak daw na malaki ang halagang ibinayad sa kanila.
Finally, nagsalita na si Mar Roxas tungkol sa isyung ito.
Sa panayam sa programang Beyond Politics with Lynda Jumilla sa ANC, sinabi ng dating DILG secretary na nagkaisa sila ng layunin ng KathNiel dahil sa Yolanda storm surge noong 2013.
Tubong Tacloban City ang nanay ni Daniel na si Karla Estrada at matatandaan na namahagi ng tulong ang mag-ina sa mga kababayan nilang sinalanta ng Yolanda.
“I thank them very much, Daniel in particular,” sabi ni Mar. “He’s (Daniel) from Tacloban. And they knew the story of what happened during Yolanda.
“No’ng umuwi sila do’n no’ng bakasyon, parang nadinig nila ‘yung istorya and sabi nila, ‘parang hindi ito totoo,’ ‘yung pulitikal na paninira.”
Dagdag pa niya, “Nagpapasalamat talaga ako that they said ‘hindi, hindi tama ito.’ So I’m grateful to them. There was no financial arrangement whatsoever.
“I am very, very thankful that two young people, their mom Carla, of course, parang tumayo sila. They could’ve taken a safe space and just stayed away, dedma gano’n.”
Oo nga, dinededma ng KathNiel ang pangba-bash sa kanila sa social media na kaya raw sila pumayag na iendorso si Mar ay dahil malaki ang ibinayad sa kanila.
Maging si Kathryn ay nasabihan pang ’itiniwalag’ bilang miyembro ng Iglesia ni Cristo dahil inunahan niya ang pag-eendorso ng pamunuan, bagay na hindi naman dahil humingi ng permiso ang dalaga sa INC.
Anyway, ayon sa aming source ay marami pa ang celebrities na may malalaking pangalan na maglilitawan para ipakita ang suporta kay Mar Roxas.
Halos ganito rin ang running mate ni Mar na si Camarines Sur Representative Leni Robredo, marami na ring kilalang celebrities ang nagpahayag na suportado nila ang ginang ng namayapang Jesse Robredo. (Reggee Bonoan)