Bumuo ng Joint Terminal Security Center (JTSC) sa mga paliparan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang kumalap ng mga kapani-paniwalang impormasyon mula sa mga pasahero at mga airport personnel para agad na mapigil ang posibleng pag-atake ng mga terorista.
Ang JTSC ay kinabibilangan ng PNP Aviation Security Group, airport police, airport managers, iba pang mga hepe ng seguridad at ng Manila International Airport Authority (MIAA) Assistant General Manager for Security and Emergency Services, na pinamumunuan ni retired PNP-AvseGroup Chief Jesus Descanzo.
Ayon sa pahayag ni MIAA Senior Assistant General Manager Vicenter Guerzon, binuo ang JTSC matapos ang pagtitipon sa Maynila ng mga APEC economic leader, habang ang puwersa ng seguridad sa mga paliparan ay nanatili sa kani-kanilang designation kasama ang mga nakatalagang bomb-sniffing dog.
Bibigyan ng kaukulang atensiyon ng JTSC ang mga tao sa paliparan o sinuman na magtutungo nang personal sa kanilang tanggapan at mayroong impormasyon na may grupo o indibiduwal na nagpaplano ng terrorist attack sa bansa.
Makaraan ang insidente ng pambobomba sa France, inilagay na sa “full alert” status ang mga paliparan habang itinalaga ang mga security official, kabilang na ang mga foot at mobile police patrol, sa loob at labas ng NAIA perimeter. (ARIEL FERNANDEZ)