Ibabalik ni Mayor Rodrigo Duterte ang death penalty kung papalarin na maging pangulo ng bansa.

Ito ang inihayag ni Martin Diño, chairman ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC), sa lingguhang Fernandina Forum sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City noong Huwebes.

Ayon kay Diño, naniniwala siyang ipupursige ni Duterte ang pagbabalik sa capital punishment dahil ito ang pinakamabisang paraan para mapigilan ang krimen.

“Noong may death penalty, ang mga nasa death row ay Bibliya ang hawak-hawak. Nang maalis ay lalong tumapang ang mga kriminal,” ani Diño.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Naiulat na nais ni Duterte na ibalik ang parusang kamatayan sa mga rapist, kidnapper at sangkot sa droga.

Samantala, tiwala si Diño na malalaktawan ni Duterte ang balakid sa usaping legal sa pagpalit nito sa kanyang kandidatura bilang presidential bet ng partidong PDP-Laban.

Itinuring naman ng political analyst na si Mon Casiple na magandang taktika ang ginawa ng kampo ni Duterte sa pag-urong-sulong sa pagtakbo sa panguluhan.

“Normal na mayroong bump at ang matatamaan dito ay ang No. 3 (sa survey),” ani Casiple na ang tinutukoy ay ang huling resulta ng survey na nasa ikatlong puwesto si Mar Roxas II, ang pambato ng Liberal Party. (Mac Cabreros)