Buhay na buhay at patuloy pa rin ang pamamayagpag ng sport na “cycling” sa tinaguriang “Cycling cradle” ng bansa, ang lalawigan ng Pangasinan.
Patunay dito ang tila year-round na pakarera sa lalawigan kahit na hindi panahon ng tag-init o summer kung kalian karaniwang idinaraos ang mga karera ng bisikleta sa ating bansa.
Ngayong darating na Linggo, Nobyembre 29, ay isa na namang karera na nagtatampok sa ilan sa mga malalaking pangalan sa larangan ng cycling sa Pilipinas ang idaraos sa bayan ng Bugallon kaugnay ng pagdiriwang ng kanilang kapistahan.
Binansagang,
“POGING PANGASINAN CYCLING CUP”, ang karera ay inorganisa ni dating Tour champion Jesus Garcia Jr., katulong ang alkalde ng bayan ng Bugallon na si Anthony Espino.
Binubuo ang ruta sa nasabing karera ng 162 kilometro simula sa Bugallon pabalik at daraan sa mga karatig na bayan ng Labrador, Sual, Alaminos, Bolinao , Agno, at Mabini.
Kabilang sa mga matutunghayan na kalahok sa nasabing karera ang dalawang dating Le Tour de Filipinas champion at pambato ng Seven Eleven by Roadbike Philippines continental team na sina Baler Ravina at Mark John Lexer Galedo.
Bukod sa dalawa, nagpalista na rin para lumahok sa karera ang kanilang mga kakamping sina Dominic Perez at playing trainer at coach na si Ericson Obosa gayundin, ang iba pang mga kilalang mga siklista na sina El Joshua at Daniel Carino, Oscar Rindole, John Mark Camingao, Romeo Camingao at Resty Aragon.
May mga nakalaang tropeo at salaping papremyo sa unang tatlong siklistang makakatawid ng finish line habang tatanggap naman ng insentibo ang unang siklista na makakalagpas sa summit line sa mga bayan ng Sual, Bolinao at Alaminos.
Walang bayad ang paglahok sa nasabing karera, ngunit upang makatiyak sa kaligtasan ng mga kalahok ay nilimitahan lamang ng organizer ang bilang hanggang sa 65 mga siklista. (MARIVIC AWITAN)