Nakahirit ang koponan ng Cignal ng winner-take-all Game Three makaraang itabla ang best-of-3-finals series nila ng Philippine Air Force (PAF) sa 1-1 noong nakaraang Miyerkules ng hapon sa San Juan Arena matapos walisin ang huli sa Game Two ng series, 25-16, 25-17, 25-18.
Mistulang “out of synch” ang Raiders na naging napakaluwag at malamya kapwa ang depensa sa net at sa floor na sinamantala ng HD Spikers.
Nagtala ng 19-puntos si Edmar Bono na kinabibilangan ng 15 hits at tig-dalawang blocks at aces habang nag-ambag si Lorenzo Capate Jr. ng 12- puntos at 11-puntos naman si Herschel Ramos para sa nasabing tagumpay ng HD Spikers.
Nag-iisa namang tumapos na may double digit performance si Jeffrey Malaban para sa Air Force sa itinala nitong 10-puntos.
Kitang-kita sa kanilang statistics ang mababang laro ng Air Force kumpara sa ipinakita nito noong finals opener kung saan tinalo nila ng Cignal sa larong umabot ng apat na sets, 25-15, 19-25, 25-19, 25-19.
Pinulbos sila ng Cignal sa hits, 40-25 at wala pang kalahati ng mga hit ng mga ito ang kanilang nagawang saluhin at itawid sa kabila ng net sa kanilang nagawang 26 digs kumpara sa 68 ng HD Spikers.
Tanging sa service aces lamang nakuhang pumatas ng Air Force kung saan kapwa sila nakatatlo ng Cignal.
(Marivic Awitan)