Itinulak ng Boston Celtics ang nakasagupa nitong Philadelphia 76ers sa 84-80 kabiguan para pantayan naman ang pinakamahabang pagkalasap ng kabiguan sa kasaysayan ng propesyonal na sports sa Estados Unidos.
Nabitawan ng 76ers ang limang puntos na abante sa huling minuto ng laro upang hayaan ang Celtics na agawin ang panalo nitong Miyerkules ng gabi at magpalasap sa Philadelphia ng ika-26 nitong diretsong kabiguan at ika-16 na sunod sa pagsisimula ng season.
Pinantayan din ng Philadelphia ang pinakapangit na rekord sa kasaysayan ng US professional sports matapos itala ng Tampa Bay Buccaneers noong 1976-77 sa National Football League (NFL) at ulitin ng 76ers noong 2013-14.
Dalawang talo na lamang ang layo nito para pantayan naman ang dating New Jersey Nets’ sa NBA-worst mark na 18 sunod na kabiguan para simulan ang taon.
Nagtala si Isaiah Thomas ng 30- puntos habang itinala ni Jae Crowder ang papa-abanteng 3-pointer, at si Evan Turner ay nagdagdag ng 16-puntos para sa Boston.
Nanguna si Jahill Okafor na may 19-puntos at siyam na rebound habang si Hollis Thompson ay may 15-puntos para sa 76ers na nakaiskor lamang ng tatlong puntos sa mahigit na 6:13 minuto ng laro.
Samantala, nagtulngan sina Kevin Durant at Paul Westbrook ng Thunders upang pigilan nito ang pagwawagi ng Nets sa bahay nito sa Oklahoma City.
Umiskor si Durant ng 17 sa kanyang 30-puntos sa huling 20 minuto ng laro para tulungan ang Oklahoma City na biguin ang Nets, 110-99, Miyerkules din ng gabi para sa ikatlong sunod nitong panalo.
Tabla ang laro sa huling yugto sa iskor na 85 kung saan may 8:09 minuto pa ang natitira nang maghulog si Durant ng dalawang 3-pointers at magbigay ng assist sa tres naman ni Dion Waiters para sa siyam na puntos na abante ng Thunders. Hindi na nakaahon pa ang 76ers. (ANGIE OREDO)