Isang pinaghihinalaang miyembro ng sindikato, na ibinubugaw ang mga menor de edad na babae, ang naaresto ng pulisya sa entrapment operation sa Taft Avenue, Manila, noong Miyerkules ng gabi.
Dinampot ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD)-General Assignment Section (GAIS) at Women and Children’s Protection Section (WCPS), sa tapat ng Times Plaza sa United Nations Avenue, ang suspek na si Roxanne Dichoso, dakong 8:00 ng gabi nitong Miyerkules.
Nasagip din ng pulisya ang anim na dalaga—na edad 18 hanggang 21—na ibinubugaw umano ni Dichoso.
Nakatanggap ng impormasyon ang MPD na “inilalako” ni Dichoso ang mga menor, dahilan upang ikasa ng pulisya ang entrapment operation.
Gamit ang dalawang P500 marked money, nagpanggap si SPO2 Larry Javier na isang customer na naghahanap ng panandaliang aliw. At nang tanggapin ni Dichoso ang marked money at sinamahan si Javier sa pinagkukutaan ng kanyang mga ibinubugaw, agad na pinosasan ng mga operatiba ang suspek.
Kinasuhan si Dichoso ng Qualified Trafficking in Persons habang ang anim na menor ay inilipat sa pangangalaga ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). (Argyll Cyrus B. Geducos)