SA loob ng maraming taon, patuloy sa pagbibigay ng kasiyahan at katatawanan ang Bubble Gang. Dahil minahal at naging Friday night habit na ito ng televiewers, ipinagdiriwang ng programa ang kanilang 20th anniversary sa temang, “I Am Bubble Gang (IMBG)”.
Nais bigyang-halaga ng Bubble Gang hindi lamang ang cast, staff, at ang network kundi pati na rin ang lahat ng mga sumusuporta sa programa. Sa bawat episode, sinasalamin ng Bubble Gang ang mga gawi ng mga Pinoy at ang mga nagaganap sa lipunan kaya patok na patok sa mga manonood ang mga karakter tulad nina Yaya at Angelina,Tata Lino, Antonietta at Mr. Assimo.
Lubos ang saya ng buong barkada ng Bubble Gang sa pagiging longest-running comedy show sa Philippine TV. Ngayong 20 years na ang Bubble Gang, napatunayang hindi na mapapantayan ang kanilang samahan — mula sa cast members, sa staff at hanggang sa creative team.
Sa 20th anniversary ng Bubble Gang, isang commemorative gag book ang kanilang inihanda na may title na IMBG: I AM BUBBLE GANG (The Bubble Gang 20th Anniversary Commemorative Comedy Chronicles). Handog nila ito sa mga manonood na walang sawang nakikisaya sa programa.
Dapat ding abangan ang in-depth documentary na eere ngayong gabi. Sa tulong ng GMA News and Public Affairs na pinangungunahan nina Ms. Jessica Soho at Mr. Mike Enriquez, ipapakita ang lahat ng mahahalagang aspeto ng programa.
Sa pamamagitan ng documentary special na ito, tiyak na kagigiliwan ng mga manonood ang mga kuwento ng programa sa harap at likod ng kamera.
Sa mahalagang pagdiriwang na ito, bilang bahagi ng pamilyang Bubble Gang, sabay-sabay nating sabihin ang “I Am Bubble Gang!”