GINUGUNITA ng bansa si dating Senador Benigno “Ninoy” S. Aquino Jr., ang kanyang pagkamartir, at ipinamana niyang kabayanihan, kagitingan, sakripisyo, at mga ambag sa pagsusulong ng mga ideyalismong demokratiko, sa ika-83 anibersaryo ng kanyang kapanganakan ngayong Nobyembre 27, kasabay ng selebrasyon ng “Araw ng Pagbasa”, na idineklara ng kanyang nag-iisang anak at kapangalan na si Pangulong Benigno S. Aquino III, ang ika-15 Presidente ng Pilipinas, alinsunod sa Republic Act (RA) 10556 noong Mayo 15, 2013.

Ang mga commemorative rite—gaya ng pagdaraos ng misa, pag-aalay ng bulaklak, at pagbibigay-pugay—upang ipagdiwang ang anibersaryo ng kapanganakan ni Ninoy ay isinasagawa sa kanyang mga monumento sa Roxas Boulevard at sa Ayala Avenue, sa kanyang libingan sa Manila Memorial Park, at sa airport tarmac na roon siya pinatay noong Agosto 21, 1983, at sa Ninoy and Cory Museum sa Tarlac. Nagbibigay-pugay din sa kanya ang mga komunidad ng mga Filipino-American sa United States, na tumira roon si Ninoy at ang kanyang pamilya matapos ipatapon.

Si Ninoy ang unang dinakip matapos ideklara ang martial law noong 1972. Ginugol niya ang pitong taon sa loob ng isang bilangguan ng militar hanggang sa magtungo siya sa United States noong 1979. Bumalik siya sa Pilipinas noong 1983, ngunit binaril siya sa tarmac. Ang kanyang biyuda, si dating Pangulong Cory C. Aquino, ay nahalal bilang ika-11 Presidente ng Pilipinas sa snap election noong 1986, at naging unang babaeng pangulo ng Pilipinas.

Binubuhay ng “Araw ng Pagbasa” ang hilig sa pagbabasa, partikular sa mga batang mag-aaral; isinusulong ang kamulatan sa mga pamana at kulturang Pilipino; itinataguyod ang kaalaman; at ipinupursige ang mga aktibidad na pang-edukasyon na tumatalakay sa buhay at mga pagtatagumpay ni Ninoy. Pinangungunahan ng Department of Education, inspirasyon nito ang mga ideyalismo at kabayanihan ni Ninoy, na minsang nagsabi na sa pamamagitan ng pagbabasa ay nabubuksan ang isipan sa pagkatuto ng iba pang mga bagay. Hilig ang pagbabasa ng libro, nagtrabaho siya bilang isang mamamahayag at nag-ulat ng digmaan sa edad na 17. Ginugunita rin ng araw na ito ang ika-24 na taon ng paglagda ni Pangulong Cory sa RA 7165, na lumikha sa Literacy Coordinating Council noong Nobyembre 25, 1991.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Itinataguyod ng “Araw ng Pagbasa” ang pagmamahal sa pagbabasa bilang pinagmumulan ng kaalaman ng kabataang Pilipino, sa pamamagitan ng mga aktibidad na nagbibigay-pugay kay Ninoy—sabay-sabay na pagsasalaysay ng kuwento, read-a-thon, kampanyang adopt-a-book, pagbabahagi ng binabasa, pagdo-donate ng mga libro, at pagkakaroon ng reading camp—at ito ay alinsunod sa programang Every Child a Reader ng gobyerno. Hinihimok ang mga magulang, mga lolo at lola, at mga tagapagbantay na basahan ng kuwento ang kanilang mga anak upang mamulat ang mga ito sa pagkahilig sa pagbabasa.

Hinihikayat naman ang mga eskuwelahan na gumamit ng mga pang-rehiyonal na diyalekto sa pagbabasa, bukod pa sa Filipino at English.

Ang sama-samang pagbabasa kasama ang mga bata, mga pamilya, at mga guro ay nagsusulong ng interaksiyon at pagpapalitan ng mga ideya. Nagiging masigasig sila at nagkakaroon ng inspirasyon upang patuloy na matuto mula sa buhay ng mga prominenteng Pilipino gaya nina Ninoy at Cory, gayundin ng mga pambansang bayani na magiging mabuting huwaran ng kabataan.