NAGSASAGAWA ng mga pagdinig ngayong linggo ang Arbitral Tribunal sa Permanent Court of Arbitration (PCA) ng United Nations sa The Hague, Netherlands, sa kaso ng Pilipinas na naggigiit sa mga karapatan nito sa South China Sea. Una nang nagpasya ang tribunal na may karapatan itong dinggin ang kaso sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Si Secretary of Foreign Affairs Albert del Rosario ang namumuno sa delegasyon ng Pilipinas na simula nitong Martes ay nagpiprisinta na ng kaso nito. Kabilang din sa delegasyon si Supreme Court Justice Antonio Carpio, na matagal nang nangunguna sa pagsuporta sa posisyon ng Pilipinas sa pinakamaselang usapin na ito na kinasasangkutan na rin ng ilan pang bansa sa mundo, kabilang ang United States.
Sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Summit sa Maynila kamakailan, na naging punong abala ang Pilipinas, hindi isinama sa agenda o sa mga tatalakayin ang usapin sa South China Sea. Ngunit hindi ito nakapigil kay US President Obama sa pagsasalita sa mga forum na idinaos sa dalawang araw na pulong ng APEC para ipanawagan ang pagpapatigil sa reclamation activities ng China, na nagtayo na ng ilang artipisyal na isla sa South China Sea, kumpleto sa mga airport runway at maging mga lighthouse. Naglayag ang mga warship ng Amerika malapit sa mga bagong isla kasabay ng pangako ng Amerika na itataguyod ang karapatan sa malayang paglalayag sa pandaigdigang karagatan.
Tumanggi rin ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magsagawa ng anumang opisyal na hakbangin sa usapin ng South China Sea, bagamat ilan sa mga kasapi nito ay may inaangkin ding teritoryo laban sa China. Nakuntento na lang ang mga bansang ASEAN sa pag-apela para sa isang Code of Conduct na sasaklaw sa iba’t ibang hakbangin ng mga bansa sa lugar.
Sa harap ng mga kawalang katiyakang ito, naninindigan ang Pilipinas na ang pinakamainam nitong gawin ay ang idulog ang kaso sa United Nations na may nailatag nang proseso para sa mga alitang gaya nito. Ngunit ang mga soberanyang estado, partikular na ang makakapangyarihan, ay hindi agad na tumatalima sa anumang desisyon ng alinmang UN arbitral tribunal. Kaya ang anumang desisyon ng tribunal na dumidinig ngayon sa kaso ng Pilipinas sa The Hague ay malabong matuldukan ang hindi pagkakasundo. Ang posible lang, magkakaroon ito ng maimpluwensiyang epekto sa magiging reaksiyon at tugon ng mundo sa pagdinig at sa magiging pasya rito. Ito lamang ang ating pag-asa—na ang hatol ay magbubunsod sa paglambot ng dati ay ‘sing tigas ng bato na paninindigan ng mga bansang sangkot, at sa huli ay magkakaisa sila para sa isang katanggap-tanggap at makatwirang kasunduan.