Dalawang lalaki, na nagpanggap na tauhan ng Bureau of Immigration (BI) upang mangotong sa isang Malaysian sa Pasay City, ang naaresto ng mga tauhan ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at BI, kamakailan.
Kinilala ni BI Commissioner Siegfried Mison ang dalawang suspek na sina Phil Balicuat at Emmanuel Salvador.
“There are unscrupulous individuals out there who drag the name of the bureau by pretending to be immigration officers or agents,” pahayag ni Mison.
Sina Balicuat at Salvador ay dinampot ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group at BI intelligence operatives matapos magpakilala ang mga suspek na operatiba ng Immigration nang sitahin habang kinokotongan ang isang Malaysian.
Bunsod nito, hinikayat ni Mison ang publiko na agad na ipaalam sa kanilang tanggapan o sa himpilan ng pulisya kung mayroong indibiduwal o grupo na gumagamit ng pangalan ng kawanihan upang makapangotong.
Ginawang halimbawa ni Mison ang isang insidente, nang nagpanggap ang isang airport employee na immigration officer upang kotongan ang isang paalis na overseas Filipino worker (OFW) na naging viral sa social media.
Aniya, ang lahat ng tauhan ng immigration ay obligadong gumamit ng ID at magsuot ng nameplate upang madaling makilala habang ang mga undercover agent ay may bitbit na Mission Order sa pagsasagawa ng operasyon. (Jun Ramirez)