Aabot sa 100 overseas Filipino worker (OFW) ang nawalan ng matutuluyan sa Dubai matapos masunog ang kanilang tinitirhang apartment noong Lunes, iniulat ng Department of Labor and Employment (DoLE).
Batay sa ulat ni Labor Attaché Delmar Cruz, sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na inisyal na bilang ng mga OFW ang naiulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) na naapektuhan ng sunog sa Al Shamsi Building sa Dubai.
Ayon kay Baldoz, walang Pinoy na naiulat na namatay o nasugatan sa insidente.
Agad na nagtatag ang POLO sa Dubai ng work station sa Barrio Fiesta Restaurant sa Ramada Hotel sa Deira, na malapit sa Al Shamsi Building.
Itinalaga ang Visayas Hall ng naturang restaurant bilang pansamantalang sleeping quarters ng mga apektadong OFW.
Nakipag-ugnayan na ang mga opisyal ng POLO sa Al Ahli Holdings, ang kumpanya ng 64 na biktima, na nagboluntaryong tumulong sa pangangailangan ng mga OFW.
Sinabi rin ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Rebecca Calzado na patuloy ang pagbibigay nila ng mga bottled water, pagkain, toilet kit at kumot sa mga biktima.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang OWWA sa pamilya ng 13 OFW na nasawi sa vehicular accident sa Saudi Arabia nitong nakaraang linggo. (Samuel P. Medenilla)