PAGKATAPOS ng ilang beses na urong-sulong na desisyon, nagpahayag na ulit si Mayor Rodrigo “Digong” Duterte ng Davao City na tatakbo siya bilang pangulo ng Pilipinas sa 2016. Ewan ko lang kung pinal nab a talaga ito.

Ang dahilan umano ng kanyang desisyong tumakbo bilang pangulo ay ang naging hatol ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa pagpabor kay Senator Grace Poe. Lima kasi sa siyam na miyembro ng SET ang pumabor kay Poe at apat ang hindi. Iyan ang ipinagpuputok ng butse ni Duterte. Pulitikal daw ang naging batayan ng pagboto ng mga senador.

Anak naman ng bubuli! Bakit ba pati ang pagboto ng mga senador ay pagdidiskitahan niya? Iyon ay mga sariling desisyon ng SET na kanilang pinag-isipan at pinag-aralan. Bakit mo papakialaman ang kanilang desisyon at paniniwala?

Maging sa mga hukuman natin ay maraming nagiging desisyon na sa tingin ng marami ay mali at hindi naaayon sa kanilang paniniwala ngunit may kumukontra ba? Hindi ba dapat ay iginagalang ang anumang desisyon para magkaroon ng katahimikan ang bansa?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung sakali at totohanin nga ni Duterte ang pagtakbo at hindi na siya muling uurong, mababago ba niya ang desisyon ng SET? Magagawa ba niyang puro justices na lamang ang bumuo nito para mawala ang paniwala niyang ang magiging hatol ay hindi batay sa katayuang pulitikal.

Noon pa lamang ay marami ng drama itong si Duterte. Kesyo hahabol siya dahil sa hindi masugpong “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport. Kesyo hahabol dahil sa patuloy na paglaganap ng droga at karahasan. Ngayon naman ay dahil sa resulta ng botohan ng SET. Ang totoo, marami ang naniniwala na kahit maging pangulo man, kung sakali, si Duterte ay hindi rin niya mapatitino ang sinasabi niyang bulok na sistema ng gobyerno. Ang ipinanakot niya kasi palagi ay BARIL. Ang pagpatay ay hindi nararapat sa isang bansang demokratiko.

Ginawa na iyan ni dating Pangulong Marcos at nagdeklara pa siya ng Martial Law para mapatahimik aniya ang bansa pero nagtagumpay ba? Hindi ba’t nag-alsa ang mamamayan at isinilang ang tinatawag ngayong People Power na nagpatalsik sa kanya?

Sa ating bansa, hindi nangangailangan ng dahas para maging maayos at mapayapa.

Si dating Pangulong Ramon Magsaysay ay hindi gumamit ng dahas, walang ipinapatay, walang inapi at wala ring pinagmalupitan. Ang ginamit niya ay puso at pantay na pagtingin sa mamamayan.

At si Magsaysay ang pinaka matagumpay na naging pangulo ng Pilipinas. Minahal, iginalang, pinagkatiwalaan at kinilala na pinakamagaling na pangulo.

BIRONG PINOY

ATONG: Nanay, tatakbo raw bilang pangulo si DUTERTE.

SIMANG: Ano?

ATONG: Tatakbo raw po si DUTERTE.

SIMANG: Anak, ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na kung babalitaan mo ako ay iyong TOTOO lamang? (ROD SALANDANAN)