CAGAYAN DE ORO CITY – Iginigiit ni Misamis Oriental Gov. Yevgeny Vincente Emano ang isang masusing imbestigasyon sa isang international beauty pageant na nagdawit sa lalawigan sa kontrobersiya matapos itong magkaproblema sa siyudad na ito.
Hinimok ni Emano ang pinuno ng Cagayan de Oro City Police Office (CoCPO) na magsagawa ng masusing pagsisiyasat sa reklamo ng mga kalahok sa tinaguriang “Mr. and Miss Pan Continental” beauty pageant.
Sinabi ni Emano na walang kinalaman ang pamahalaang panglalawigan ng Misamis Oriental sa beauty pageant na “Mister and Miss Pancontinental International” beauty pageant.
Ayon kay Emano, ang pageant sa Misamis Oriental ay napaulat na pinangangasiwaan ng isang “Maldita Mexica” Lourdes Stanley, ng Balingasag, Misamis Oriental.
Dose-dosenang kalahok ang nagreklamo sa palpak na seguridad, kawalan ng detalye sa transportasyon, at kawalan ng hotel accommodation.
Sinabi ng gobernador na nag-imbita ang pamahalaang panglalawigan ng dinner para sa mga contestant sa hiling na rin ng manager ng isang lokal na himpilan ng radyo.
Tatlumpung babae at lalaking kalahok sa pageant mula sa iba’t ibang bansa ang nagtungo sa Cagayan De Oro City nitong Linggo, bilang bahagi ng tour para sa Miss and Mister Pan Continental 2015 global pageant.
Napaulat na walang nag-asikaso sa mga kalahok dahil sa kawalan ng koordinasyon, at dahil wala si Stanley, na in-charge sa pagbisita ng mga contestant sa lungsod.
Inakusahan ni Mylene Miranda, 43, vice president at organizer ng Pancontinental pageant, si Stanley ng “breach of contract” sa reklamong inihain ng una sa Police Precinct 4 sa Barangay Carmen sa Cagayan de Oro.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Miranda na nabigo si Stanley, taga-Balingasag, Misamis Oriental, na isagawa ang mga kinakailangang arrangement sa Cagayan de Oro City at Misamis Oriental kaugnay ng itinerary ng mga kalahok na nagdulot ng matinding kaguluhan sa pageant organization at sa pagiging punong abala ng mga lokal na pamahalaan.
“Such adverse action of Ms. Stanley resulted in several cancelled activities, and highly disorganized accommodation,” saad sa reklamo ni Miranda, na inihain pasado 8:00 ng umaga nitong Nobyembre 23, 2015.
Isa sa mga kalahok, si Nicole Harding, ng New Zealand, ang napilitang agad na umalis sa Cagayan de Oro City, sa payo na rin sa kanya ng embahada ng New Zealand dahil sa kawalan ng seguridad.
Sa kanyang posts sa social media, sinabi ni Harding na kinailangan niyang agad na umalis sa Miss Pan Continental pageant dahil sa “my safety and security” matapos magdesisyon ang NZ Embassy na “it is best if I fly back
to New Zealand.”
Hindi naman makuhanan ng pahayag ng may akda si Stanley. (CAMCER ORDONEZ IMAM)