CAMP BANCASI, Butuan City – Kahit pinalaya na ng New People’s Army makaraan ang ilang buwang pagkakabihag, patuloy na binabagabag ang kinikilalang “hero soldier” ng Philippine Army ng mga alaala ng kanyang 132 araw na pananatili sa kampo ng mga rebelde sa kabundukan ng Misamis Oriental.
Isinalaysay ng kapo-promote lang na si Corporal Adones Jess M. Lupiba sa mga opisyal at tauhan ng 4th Division Public Affairs Office (4th DPAO) at 4th Civil Military Operation (4th CMO) ng Army ang kanyang sinapit sa poder ng NPA.
Kuwento ni Lupiba, hindi inaalis ng mga rebelde ang posas sa kanyang mga kamay, maliban na lang kung maliligo siya, ayon sa salaysay ni Lupida kay Capt. Joe Patrick A. Martinez, tagapagsalita ng Army.
“Kahit kumakain, nakatali pa rin ang mga kamay ni Lupiba. Kita naman ‘yun sa mga peklat at pasa sa kanyang magkabilang pulso. Hindi rin siya nakakatulog nang maayos bukod pa sa mentally tortured dahil ipinipilit sa kanya ng NPA ang mga maling ideyolohiya ng kilusan,” ani Martinez.
Higit pa rito, mistulang bangungot pa rin para kay Lupiba hanggang ngayon ang matinding takot na nararamdaman kapag nangangamba sa engkuwentro sa pagitan ng mga rebelde at ng mga kasamahn sa Army na nais na iligtas siya.
Sinabi ni Martinez na sinabi sa kanya ni Lupiba: “Tumatakbo kami nang mabilis kahit anong oras, kapag may militar sa malapit. Kahit mismong NPA ay nababahala sa rescue operations. Wala rin silang peace of mind, lalo na ang mga batang mandirigma. Oo, gumagamit sila ng mga batang combatant, at mas takot pa sa amin ang mga batang ito.”
Kaugnay nito, sinabi naman ni Col. Jesse Alvarez, commanding officer ng 403rd Infantry Brigade na ang pagkakaroon ng mga batang mandirigma ay isang paglabag sa Part 4, Article 10 ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), na nilagdaan ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines noong Marso 16, 1998.
Samantala, sinabi naman ng doktor ni Lupiba na may sakit sa tiyan at sa baga ang hero soldier.
Matatandaang dinukot si Lupiba matapos niyang isakripisyo ang sarili kapalit ng kalayaan ng mga sibilyan na ginawang human shield ng NPA noong Hulyo 11, 2015, sa Barangay Alagatan sa Gingoog City. (MIKE U. CRISMUNDO)