“BAGAY ba si Paulo (Avelino) kay Nadine (Lustre)?”

Ito kaagad ang tanong sa amin ng mga kaibigan namin sa ibang bansa nang makita nila sa social media ang mga post na kabilang na ang aktor sa kilig-seryeng On The Wings of Love at magiging bagong karibal ni James Reid.

Hindi raw kasi nila napanood si Paulo na nagpapakilig sa mga nagdaan nitong teleserye kaya baka hindi bumagay dahil nga pa-cute sina James at Nadine kahit na may mga pinagdadaanan din silang problema sa tumatakbong kuwento ng OTWOL.

Isa pang tanong, hindi na raw ba effective si Albie Casiño bilang si Jigs na ka-love triangle nina Clark at Lea?

Musika at Kanta

Regine, 'di na kering makipagsabayan sa mga batang singer: 'It's no longer my time'

Anyway, nalaman namin sa solo presscon ni Paulo para sa pagganap niya bilang si Simon Esguerra sa OTWOL na sadyang hindi siya magpapakilig dahil supladitong boss ni Lea sa advertising agency ang magiging role niya.

Nagpapasalamat si Paulo na kinonsidera siya sa serye na alam niyang sobrang sikat na sikat.

“The tandem, pretty well known kasi they were all over social media na laging nagti-trend sa Twitter, not just them as love team but also because of the show na laging trending. I’m happy that I’m part of the show.

“As we all know, I’m coming on halfway kaya late na ako papasok and it’s an honor to be considered na masama sa teleseryeng ito lalo na alam naman nating hit ang On The Wings of Love and working with the JaDine love team, I’m pretty excited and na-excite ako sa ma’bibigay ko sa show. Hindi totally manggulo pero (para) mayanig at palakasin lalo ang OTWOL,” pahayag ng actor.

Napaghandaan na ba niya ang bashers na tiyak may ipapatikim sa kanya lalo’t palaban ang JaDine/Clark/Lea supporters?

“Hindi naman maiiwasan ‘yun dahil minsan nadadala talaga tayo sa mga nakikita natin sa characters sa TV lalo kapag may napapanood kang sumisingit, ‘yung tingin mong threat. Abangan na lang natin kung magiging threat ako, well, ma-threat sina Lea at Clark bilang magkaibigan, hindi naman ako nandoon para sirain ‘yung pagkakaibigan nila. Pero regarding sa show, siyempre iisipin nila threat ako,” sabi ng aktor.

Sa itatakbong kuwento ng On The Wings of Love ay pinagkakaguluhan ng mga babae si Paulo, ganito rin ba siya sa tunay na buhay?

“Hindi po,” natawang sagong aktor, “pero for the show, it’s required for the character. In advertising naman, medyo malapit sa puso ko na gagawa ka ng trabaho na kailangang maging creative ka.”

Iilang eksena pa lang ang nakunan kay Paulo kaya wala pa siyang masyadong maikuwento o bawal pa, kaya abangan na lang sa susunod na linggo.

Nagtanung-tanong si Paulo sa mga taga-advertising industry kung ano ang mga ginagawa ng kanilang executives.

“Marami po akong friends from advertising, like my handler is also from advertising at kumbaga, I based my character on what I see and what I hear, I just keep asking questions like ‘yung mga terms nila, how are they in the office, how is it when they present and when they create ideas,” saad ng aktor.

Hindi inglesero si Simon sa OTWOL gaya ni Clark kaya hindi magno-nosebleed si Lea.

“Nagta-Tagalog din naman ako, pero kapag nagpi-present ka ay may mga kliyenteng hindi Pilipino kaya kailangang magsalita ka ng language that everyone has to understand,” paliwanag ng aktor.

Samantala, ini-stalk ba ni Paulo si Nadine sa Instagram account nito? Naitanong namin ito dahil alam ng aktor na mahilig magkukuha ng litrato ang dalaga. Natigilan si Paulo nang tanungin kung ano ang ireregalo niya kay Nadine sa Pasko, kung halimbawang girlfriend ang dalaga.

“Nadine and James are pretty creative so siguro, I would give Nadine a really nice camera kasi napansin ko mahilig din siya (sa photography) based on her posts sa social media and how she is being acknowledged by a lot of people for her creativity.”

Hmmm, baka naman pinag-aralan lang ni Paulo ang mga hilig ni Nadine para may alam siya tungkol sa bago niyang makakatrabaho.

Type ba ni Paulo si Nadine?

“I appreciate Nadine, morena, siguro po friends muna,” napangiting sabi ng aktor. (REGGEE BONOAN)