Tinatayang P6 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang miyembro ng isang big-time drug syndicate sa isinagawang operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa report ni QCPD Director Chief Supt. G. Tinio, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Paul Co, ng San Francisco Del Monte at Alvin Caray, ng Tenejeros, Makati City.
Dakong 5:00 ng umaga, nang ikasa ng mga operatiba ng District Anti–Illegal Drugs Special Operation Task Group (DAID-SOTG), sa pamumuno ni Supt. Enrico Figueroa, ang buy–bust operation sa Barangay Pinahan, Quezon City.
Ayon kay Figueroa, nang iabot ng suspek, na nakasakay sa nakaparadang Suzuki sedan sa tapat ng V. Luna Hospital, ang droga sa police agent, agad nilang sinalakay ang lugar at pinosasan ang dalawang drug dealer.
Nakumpiska sa dalawang suspek ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon, samu’t saring drug paraphernalia, marked money at Suzuki sedan na ginagamit sa kanilang pagtutulak.
Nakapiit ngayon sina Co at Caray sa detention cell ng DAID sa Camp Caringal makaraang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Drug Act of 2002. (Jun Fabon)