Gaya ng kanilang mahigpit na karibal na Ateneo de Manila, bagong mukha rin ang tiyak na mauupo bilang head coach ng De La Salle University (DLSU) sa UAAP Season 79 men’ s basketball tournament matapos pormal na magbitiw ang kanilang mentor na si Juno Sauler.

Batay sa kanilang pahayag na inilabas sa media, may isang linggo na matapos ang 68-71 na pagkatalo ng Green Archers sa Far Eastern University (FEU) na naging dahilan ng hindi nila pagpasok sa Final Four ay isinumite ni Sauler ang kanyang “letter of resignation.”

Kaugnay nito, ipinaabot ng pamunuan ng La Salle ang kanilang pasasalamat kay Sauler na isa ring dating Archer sa paggabay nito sa koponan mula noong 2013 kung saan nagawa pa niya itong maging kampeon.

Bukod sa UAAP crown noong Season 76, binigyan din ni Sauler ng titulo ang Green Archers sa 2013 PCCL at 2014 Fil- Oil Cup.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa kanilang statement, inihayag din ng pamunuan ng La Salle ang gagawin nilang pagbuo ng search committee para makahanap ng papalit kay Sauler.

Samantala sa kanyang Instagram account, nagpasalamat din si Sauler para sa oportunidad na ibinigay sa kanya para maging headcoach ng Green Archers.

“To DLSU, thank you for the opportunity. I learned a lot all these years and will always continue to carry the La Sallian virtues with me. Animo,” pahayag ni Sauler.

Nag iwan din sya ng madamdaming mensahe sa kanyang mga player. “Success is peace of mind, which is a direct result of self-satisfaction in knowing you made the effort to do your best to become the best that you are capable of becoming. I have so much respect and love for you gentlemen, and will always be grateful for the time spent with all of you.” (Marivic Awitan)