MAAARI itong depensahan bilang sistema ng partido, ngunit ang napaulat na kinakailangang tumalima ng pinakamatataas na opisyal ng Kongreso ng Pilipinas sa kahilingan ng mga tagapayo ng pangulo sa usapin ng pagbabago sa halaga ng buwis ay hindi maganda para sa isang gobyerno na may tatlong dapat ay kapantay at malayang departamento.
Mahigit isang beses nang nakipagpulong sina Senate President Franklin Drilon at Speaker Feliciano Belmonte, Jr. kay Pangulong Aquino upang iendorso ang pag-amyenda sa National Revenue Code of 1997, sa layuning maiwasto ang pagiging hindi patas nito na nagreresulta sa inflation at iba pang developments sa huling kalahating dekada.
Ang pinakamalaking hindi pagkakapareho, sa paningin ng maraming nagsusulong ng panukalang amyenda sa batas, ay ang katotohanang ang kinikita ng maraming suwelduhang empleyado ngayon ay—dahil sa inflation—pinapatawan ng napakataas at hindi makaturungang buwis.
Noong nakaraang linggo, dalawa pang mambabatas ang nakiisa sa panawagan para amyendahan ang nasabing batas.
Magkahiwalay na inihain nina Rep. Mark Villar ng Las Pinas, chairman ng House Committee on Trade and Industry, at Rep. Raneo Abu ng Batangas ang mga panukala na mag-aamyenda sa Revenue Code of 1997, sinabing ang Pilipinas ang ikalawang may pinakamataas na average tax rates sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa ngayon. Dahil hindi mabago ang halaga ng buwis, anila, maraming suwelduhang taxpayer ang naikakategorya sa mas mataas na tax brackets—katulad ng tax brackets para sa mga milyonaryo.
Kontra sa posisyong ito ng mga pinuno ng Kongreso at ang dumaraming mambabatas ang paninindigan ng mga economic at tax manager ng Pangulo, na tutol sa anumang makababawas sa kita ng gobyerno.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng Pangulo sa panukalang tax reform, ang pagsusulong na maaprubahan ito ay hindi nagmamaliw, dahil tunay na kailangang ituwid ang isang kawalang hustisya. Posible ring lumutang ang usaping ito sa papalapit na eleksiyon.
Kung magagawa ng Kongreso na aprubahan ang Bangsamoro Basic Law (BBL), sa kabila ng mga problema nito, ngunit hindi maisasabatas ang isang batas na buwis na magwawasto sa kawalang hustisya para sa mga karaniwang manggagawa, maaaring ituring ito ng mga botante na isang usapin na makaiimpluwensiya sa kanilang opinyon sa administrasyon at sa mga kandidato nito.