PALIBHASA’Y lumaki sa bukid, naniniwala ako na ang pagkakait ng tulong at kawalan ng malasakit sa mga magsasaka ay isang gawaing walang pangalawa sa kasamaan. Ang ganitong paninindigan ang maliwanag na naging batayan ng ilang sektor ng agrikultura, lalung-lalo na ng ilang mambabatas na nagsusulong na isabatas ang pag-aalis ng irrigation service fee (ISF).

Matagal nang naghahangad ang mga magbubukid ng libreng tubig mula sa mga irrigation system para sa kanilang mga bukirin. Ito ay napakalaking tulong na lubhang kailangan ng mga magsasaka lalo na ngayon na nagsisimula na ang matinding epekto ng El Niño. Ang mahabang tag-araw ay tiyak na magdudulot ng malaking pinsala sa palayan at iba pang uri ng pananim. Ang panukalang batas hinggil dito, samakatuwid, ay marapat lamang sertipikahan ng “urgent” ni Presidente Aquino kung totoong siya ay may habag at malasakit sa mga magsasaka na susi sa pagkakaroon ng sapat na bigas.

Kaakibat nito, hindi dapat ipagkait sa mga magbubukid ang seed subsidy, partikular na sa mga bukirin na hinagupit ng nagdaang bagyong ‘Lando’. Sa Nueva Ecija pa lamang ay halos magmakaawa na ang mga magsasaka upang tustusan ng gobyerno ang iba pang agricultural implements para sa mechanized farming. Nakalulungkot ang ulat na tila hindi sapat ang mga binhi na ipinamamahagi sa naturang lalawigan na itinuturing pa namang rice granary ng Pilipinas.

Kaugnay nito, matagal nang isinusulong ng mismong mga mambabatas at local government official ang paggamit ng malaking bahagi ng conditional cash transfer (CCT) para sa agrikultura. Kabilang dito, halimbawa, ang pagtatayo ng mga agricultural facilities na magbibigay ng trabaho sa pamilya ng mga magbubukid. Sa halip na gugulin ang naturang pondo sa walang kapararakang bagay, ilaan na lamang ito sa pagpapalaki ng produksiyon sa bukid na matagal nang inaasam ng gobyerno – subalit ito ay laging nabibigo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi nakapanghihinayang na ilaan sa magbubukid ang sapat na ayuda ng administrasyon – isang subsidy na walang pamumulitika. (CELO LAGMAY)