Tatangkain ni WBC International flyweight champion Renz Rosia na hablutin ang titulo ni IBO 112 pounds champion Moruti Mthalane sa Nobyembre 28 sa East London, South Africa.

Unang pagkakataon ito ni Rosia na sumabak sa kampeonatong pandaigdig pero ikalawang laban na sa South Africa matapos matalo sa kontrobersiyal na 12-round majority decision kay Makazole Tete noong nakaraang Abril 24 para sa bakanteng IBO Inter-Continental flyweight title sa Orient Theatre sa Eastern Cape..

Nahablot ni Rosia ang WBC regional title nang talunin sa 10th round TKO ang dating kampeon na kababayang si Renan Trongco noong nakaraang Agosto 22 sa Paranaque City kaya pumasok siya sa WBC rankings bilang No. 13 contender ng kampeong si Roman Gonzalez ng Nicaragua..

Beterano naman si Mthalane na dati ring IBF flyweight title at huling natalo sa Pilipino ring si Nonito Donaire Jr. sa 6th round TKO noong 2008 sa Las Vegas, Nevada para sa IBF at IBO flyweight belts.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Muntik mawala kay Mthalane ang IBO crown sa laban sa Pilipino ring si Jether Oliva na natalo lamang sa 12-round split decision noong 2014 sa sagupaang ginanap sa Durban, South Africa.

May kartada si Mthalane na 31-2-0 win-loss-draw na may 20 panalo sa knockout samantalang ang bagitong si Rosia ay may rekord na 12-3-0 win-loss-draw na may 6 pagwawagi sa knockout. (GILBERT ESPENA)