Ibinasura ng Supreme Court ang isang petisyon na humihiling na mailipat si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa regular na kulungan sa Olongapo City mula sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Si Pemberton ay nahaharap sa kasong murder kaugnay ng pagpatay sa Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Sa ginanap na full court session kamakalawa, tinanggihan ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng mga kapatid ni Jennifer na sina Marilou at Mesehilda na humihiling na mailipat si Pemberton sa isang regular na piitan, dahil bigo ang dalawa na makatugon sa three-day notice na inilabas ng korte.
Sinabi ni Atty. Theodore O. Te, tagapagsalita ng SC, na hindi umabuso sa kapangyarihan ang Olongapo City Regional Trial Court (RTC) nang ibasura nito ang petisyon na inihain ng magkapatid na Laude.
“Section 4, Rule 15 of the Rules of Court requires every written motion required to be heard, including the Notice of Hearing, to be served upon the adverse party at least three days before the date of hearing,” ayon kay Te.
Sinabi rin ni Te na binigyan din ng konsiderasyon ng kataas-taasang hukuman ang hindi kakulangan ng suporta ng gobyerno sa kahilingan ng pamilya na mailipat si Pemberton ng piitan.
Sa kanilang petisyon, sinabi ng magkapatid na Laude sa SC na inabuso ni Olongapo City RTC Judge Roline Jinez-Jabalde ang kanyang kapangyarihan nang ibasura ang kanilang petisyon base sa technicality. (Rey Panaligan)